Ni CELO LAGMAY
SA kabila ng umiiral na mahihigpit na health protocol kaugnay ng pananalasa ng nakamamatay na coronavirus, hindi maaring palampasin ang pagkakataong ito nang hindi nakikidalamhati sa pagpanaw ng maituturing na haligi ng peryodismong Pilipino o Philippine Journalism. Si Crispulo Icban Jr. -- ang beteranong mamamahayag na humawak ng mahahalagang tungkulin sa iba't ibang pahayagan sa bansa sa loob ng mahigit na kalahating dantaon -- ay sumakabilang-buhay kahapon. Naiwan niya -- bukod sa kanyang mga mahal sa buhay -- ang isang buhay na alaala na magsisilbing inspirasyon ng nakalipas at kasalukuyang henerasyon ng mga mamamahayag.
Isang malaking pagkukunwari kung hindi natin aaminin na si Jun, tulad ng tawag sa kanya ng halos lahat, ay hindi natin titingalain lalo na kung pag-uusapan ang kanyang pagiging henyo sa larangan ng peryodismo. Kaagad siyang hinangaan sa pagsisimula pa lamang ng kanyang journalistic career sa pre-martial law Manila Times Publishing Co. noong dekada 50; bilang isang editorial writer hanggang hirangin bilang News Editor.
At lalong pumaimbulog ang kanyang editorial talent nang siya ay maging editorial consultant sa Manila Bulletin; hanggang sa siya ay itinalaga bilang Editor-in-Chief ng naturang pahayagan. Hindi marahil isang kalabisang ipahiwatig na ang halos lahat ng kanyang pakikipagsapalaran sa larangan nang pamamahayag ay nasubaybayan ko; halos magkasunod kaming pumalaot sa peryodismo, simula sa Manila Times hanggang sa Manila Bulletin (bilang Editor-in-Chief ng Balita), hanggang sa aking pagreretiro.
Pumaimbulog din ang pagiging henyo ni Jun sa larangan ng peryodismo nang siya ay pagkalooban ng iba't ibang journalism grant sa iba't ibang bansa, tulad ng Harvard University sa New York at iba pa. Kaakibat nito ang kabi-kabilang seminar na tinatampukan ng makabuluhang lecture sa pamamahayag na natitiyak kong labis namang pinakikinabangan ng iba't ibang sektor ng mga estudyante at ng mga aktibong peryodista.
Natitiyak ko na isang malaking kawalan si Jun sa halos lahat ng media forum na aming dinadaluhan. Ang kanyang pagdalo ay sapat na upang magkaroon ng inspirasyon ang aming mga kapuwa mamamahayag -- print at broadcast media -- lalo na noong siya ay nanunungkulan pa bilang Press Secretary ni President Gloria Macapagal Arroyo.
Isang madamdaming pakikidalamhati sa iyong mga mahal sa buhay, Jun. Higit ka pa sa isang tunay na kapatid.