ni Ric Valmonte
“Ang pagbantaan ang ating mga hukom at mga abogado ay pagatake sa ating hudikatura. Ang atakihin ang hudikatura ay ang paguga sa pinakapundasyon ng rule of law. Hindi ito dapat pinahihintulutan sa isang sibilisadong lipunan tulad ng atin. Hindi ito dapat magpatuloy nang hindi tinutuligsa sa ilalim ng aming pagmamasid,” wika ng Korte Suprema sa isang baagi ng kanyang napakatapang na pahayag na inisyu nito lang nakaraang Martes. Ito ang kanyang reaksyon sa mga reklamo hinggil sa pag-atake sa mga abogado at hukom na ipinaabot sa kanya ng Integrated Bar of the Philippines, University of the Philippine College of Law, Free legal Assistance Group at mga abogado ng mga nagsampa ng petisyon laban sa Anti-Terrorism Act. Ayon sa Korte Suprema, hiniling nito sa mga mababang hukuman, kabilang ang Muslim Sharia courts, at mga law enforcement agency na bigyan ito ng kopya ng mga impormasyon kaugnay sa mga bilang at konteksto ng bawat pagbabanta at pagpatay ng abogado at hukom sa loob ng sampung taon. Pag-aaralan, aniya, ang mga ito sa huling linggo ng Abril at pagpasiyahan kung ano ang gagawin kabilang ang pagaamyenda ng mga patakaran o lilikha ng panibago.
Natauhan na ang Korte Suprema. Bakit nga naman hindi, eh magkakasunod na ang mga nangyayaring pagpatay at pagbabanta sa mga abogado at hukom. Ang mga abogadong pinaslang at pinagbantaan ay halos mga nagtatanggol at nagtataguyod ng karapatang pantao. Ang kanilang mga kliyente ay iyong mga dukha at nasa laylayan ng lipunan, na dahil sa kanilang tulong, ay naipararating sa pamahalaan ang kanilang kahilingang mabigyan ng katarungan ang kanilang kaapihan. Hindi dapat ganito ang maging kapalaran ng mga abogadong ito, bagkus hinihikayat sila na gawin ito ng walang kinakatakutan. Sa pagganap ng kanilang sinumpaang tungkulin, isa sila, kundi sila mismo, ang nagpapanatili ng kapayapaan sa lipunan. Hindi ako magsasawang ulit-ulitin dahil ito ang katotohanan : Ang karapatang pantao ay manipis na linyang naghihiwalay sa pagitan ng tao at hayop. Burahin o sirain mo ang linyang ito, inaalis mo ang pagkakaiba ng tao sa hayop, ang sibilisadong lipunan sa gubat na ang batas ay katwiran ng lakas at hindi lakas ng katwiran. Kaya, kahit paano, napapanatili sa ating lipunan ang kapayapaan dahil may mga abogadong iginigiit ang pangingibabaw ng katwiran laban sa lakas. Naipaparating nila sa gobyerno ang hinaing ng mga inaapi at ang kahilingan nilang makaamot ng katarungan.
Dapat maintindihan ng Korte Suprema na ito ay may bahagi sa paglubha ng sitwasyon ng pangaapi at inabot nang maging biktima ang mga hukom at abogado. Pinahintulutan kasing maganap ito. Nang ipaabot sa kanya para gamitin ang kanyang kapangyarihan ang walang patumanggang pagpatay noon pa lang nagsisimulang pairalin ang war on drugs, ibinasura ang aming petisyon na nagnanais pigilin ito. Wala namang pagkakaiba ito sa petisyong isinampa ko noon na dininig ng Korte upang buwagin ang secret marshal at crimebuster na nilikha noon ni dating Pangulong Marcos at pigilin ang mga pagpatay. Ang higit na hindi kanaisnais ay ang panigan ng Korte ang Pangulo at patalsikin nito ang misimong pinuno nito na si dating Chief Justice Sereno sa nilikha nitong bagong paraan, ang Quo warranto. Pero huli man at magaling, maihahabol din ang ginawa ng Korte sa pagkondena sa pagbabanta at pagpatay sa mga hukom at abogado.