ni Mary Ann Santiago
Tutuldukan ni Manila Mayor Isko Moreno ang squatting at pangungupahan ng bahay sa lungsod ng Maynila.
Ito’y sa pamamagitan ng mga itatayong housing projects ng lokal na pamahalaan, na kinopya sa ideya ng yumaong Singaporean Prime Minister Lee Kuan Yew.
Nilagdaan ang alkalde ang Ordinance No. 8730 na naglalaman ng implementing rules and regulations kaugnay ng in-city housing program ng lokal na pamahalaan, kabilang dito ang condominium buildings na hindi na maibebenta ng benepisyaryo ang ibibigay na pabahay sa kanila.
Sinabi ni Moreno na hindi lamang squatters na nakatira sa paligid ng housing projects ang magiging beneficiaries kundi maging ang mga nangungupahan.
Ang ordinansa na pinagtibay nina Secretary to the Mayor Bernie Ang at Manila Council Secretary Atty. Luch Gempis, ay nagsasaad ng terms of payment and ownership ng housing units, kung saan ang beneficiaries ay magbabayad ng P2,000 sa MUSHO kada buwan. Ang maiipong bayad ay ibabalik din sa beneficiary kapag gumanda na ang buhay, may kakayahan nang bumili ng bago at mas malaking bahay at nagdesisyon ng iwan ang lugar.
Maaaring gamitin ng beneficiary ang unit hanggat gusto niya kabilang na ang kanyang tagapagmana at mga magiging anak pero ang pagmamay-ari ng unit ay nananatiling sa gobyerno at tanging mga kadugo lang ng beneficiary ang maaaring tumira sa nasabing unit.