ANG pagdagsa ng mga overseas Filipino workers na iniwan ang kanilang trabaho sa abroad o napilitang lumikas dahil sa pandemya ay isa sa pangunahing sakit sa ulo ng pamahalaan, na patuloy pa ring nakikipaglaban sa tumataas na kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nasa kabuuang 569,462 OFW ang pinauwi sa bansa nitong nakaraang taon at higit 100,000 OFW pa ang inaasahang uuwi sa susunod na mga buwan. Hindi ito maliit na bilang. Sinusuportahan ng mga OFW ang kanilang mga naiwang pamilya sa Pilipinas. Sa kawalan ng trabaho, pinangangambahang ang mga umuwing OFW ay higit na makadaragdag sa sosyo-ekonomikong problema ng bansa.
Nagbibigay ang Department of Trade and Industry (DTI) ng tulong pangkabuhayan sa mga OFW sa pamamagitan ng collateral-free capital na hanggang P100,000 upang makapagsimula sila ng negosyo. Hinihikayat ang mga OFW na samantalahin ang loan assistance na ito mula sa SB Corp., ang micro financing arm ng DTI.
Kamakailan, inilunsad din ng pamahalaan ang “Agri Negosyo Para sa OFWs,” isang proyekto ng Department of Agriculture at DTI.
Sinimulan ang proyekto sa limang rehiyon—1, 3, 4-A, 6 at 7 kung saan mayorya ng mga napauwing OFW ay nagmula sa Cavite, Batangas, Bulacan, Laguna, Cebu, Iloilo, Rizal, Pangasinan at Pampanga.
Hangad ng proyekto na makapagbigay ng kabuhayan at mapagkakakitaan para sa mga nagbabalik na OFW. Ikalawa, layon ng program na imodernisa ang sektor ng agrikultura sa pagpapalakas ng food value chain at pagsisiguro ng seguridad ng pagkain para sa bansa.
Nangangahulugan ito na ang mga small at medium enterprises ay isasama mula sa kanilang agri-business kasama ng industrial business.
Halimbawa, nakapamahagi na ang DTI ng kabuuang 2,782 shared service facilities sa buong bansa na nagbibigay-benepisyo sa halos kalahating milyong benepisyaryo na nakapagbigay-trabaho naman sa higit 200,000 manggagawa.
Nakapagbigay na rin ang DTI ng higit 27,000 livelihood kits upang makapagsimula ang mga OFW ng kanilang kabuhayan.
Sumuporta rin ang RAPID growth project katuwang ang Department of Science and Technology sa 78,000 pamilya ng magsasaka at nakapagpabuti ng produktibidad at competitiveness ng higit 1,000 micro small and medium enterprises.
Nagkakaloob ang proyekto ng “value chain based” at climate smart assistance at financing sa agri-based MSMEs sa mga rehiyon na sakop partikular sa Rehiyon 8, 9 hanggang 12.
Ito ay iba’t ibang programa na partikular na idinisenyo para sa mga OFW.
Sa panahong ito ng kagipitan, inaasahang gagawin ng bawat isa ang kanilang bahagi, kabilang ang OFW. Limitado lamang ang magagawa ng pamahalaan.