ni Ric Valmonte
“SASABIHIN ko lang sa aking mga kababayan na huwag silang mawalan ng pag-asa. Tatalunin natin ang COVID-19. Maliit na bagay lamang ito sa ating buhay. Nagdaan na tayo sa maraming bagay na higit na malubha, napakahirap at higit na nagpaiyak sa atin,” wika ni Pangulong Duterte sa kanyang address to the nation nito lang nakaraang Lunes ng gabi, isang taon ang nakaraan nang isailalim niya ang bansa sa lockdown. Ganito na magsalita ang Pangulo kasi wala na siyang masisisi at mamumura. Nais niyang kumalma ang taumbayan na nahihintakutan na sa harap ng pagtaas ng bilang ng mga nagkakasakit. Eh pumalo na ang kanilang bilang sa pinakamataas na bilang ng mga nagkasakit noong nakaraang taon. Ang ibig lang sabihin nito ay ang pagpupunyagi ng pamahalaan na makontrol ang pandemya sa loob ng isang taon ay walang idinulot na kabutihan sa kabila ng kahirapan dinanas ng taumbayan. Higit na marami ang nagkakasakit at lumubha pa. Kaya, hindi maiaalis sa Pangulo na maliitin ang problema upang mapahinahon sila.
Pero, saan ba siya nanggagaling nang sabihin niyang maliit na bagay lamang sa buhay natin ang problema? Dahil sa sinabi noon ng kanyang presidential spokesperson na nasa perpetual quarantine ang Pangulo at lingguhan lang siya magpakita sa mamamayan, kaya nawalan siya ng koneksyon sa mga tunay na nagaganap sa mga ito. Kaya napaniwala siya ng kanyang mga tauhan na sa panahon ng pandemya inilarawan ang kanyang paggogobyerno na “excellent.” Hindi ganito nakita ng nagsanib ng mga medical groups ang pagresponde ng pamahalaan sa pandemya sa online news conference nitong nakaraang Martes ng Coalition for People’s Right to Health (CPRH). Binatikos ni Dr. Joshua San Pedro, co-convenor ng koalisyon, ang pagtaya ng Malacanang na nakagawa ito ng “excellent” job. Ayon sa kanya, nabigo ang gobyerno na maibaba sa kulang isang libo ang bilang ng bagong kaso sa bawat dalawang linggo mula nang ideklara ng gobyerno ang lockdown isang taon na ang nakaraan. “Mistulang hindi pa rin nagwawakas ang 2020,” wika ng doktor. Samantala, binigyan ng koalisyon ang gobyerno ng bagsak na marka sa pagtaya nito ng isang taong pagresponde sa COVID-19 pandemic. “Ang grado ay “F”, 5.00 na walang remedyo o paraan para makabawi pa ito,” wika naman ni Angel Sison na kumakatawan sa Philippine Medical Students’ Association na bahagi ng CPRH.
Sa totoo lang, hindi maliit na bagay sa buhay ng ating bayan at mamayan ang nagaganap ngayon. Nang magluwag ang gobyerno sa pinaiiral nitong quarantine, kahit wala pang bakuna, ay nagbakasakali na ang mamamayan. Isinugal na nila ang kanilang buhay lalo na ang mga mahihirap. Hindi baleng mamatay sa sakit, huwag lang sa gutom. Ano ang magagawa mo, halimbawa, kung nag-iiyakan ang iyong mga anak dahil wala kang maipasuso o maipakain? Napakasakit para sa mga magulang ang wala kang magawa na nakikita mong nasa ganitong kalagayan ang iyong mga supling. May bakuna na rin lang na pagkukunan, ang dapat gawin ng gobyerno ay sabayan ang ginagawang ito ng mamamayan na itinataya ang kanilang buhay sa panganib ng pandemya, ng tuloy-tuloy at walang tigil na pagbabakuna tulad ng ginagawa sa mga ibang bansa. Mahirap nga lang gawin ito kung aasa tayo sa donasyon at iipitin naman natin ang malaking halagang nailaan na pambili ng bakuna.