ni Annie Abad

SUBIC – Naisalpak ni Mark Yee ang free throw at matibay na depensa ang naibakod ni Billy Robles sa krusyal na sandali para maitakas ang Davao Occidental-Cocolife sa makapigil-hiningang 77-75 panalo laban sa defending champion San Juan-Go for Gold nitong Miyerkoles sa Game 1 ng Chooks-to-Go MPBL Lakan best-of-five National Finals sa Subic Bay Gymnasium.

Naghahabol sa 70-74, naibaba ng reigning titlist ang 5-0 run, tampok ang alley-oop basket ni Mike Ayonayon mula sa inbound pass ni CJ Isit para sa 75-74 bentahe may 48.4 segundo ang nalalabi.

Nabigo ang San Juan na magamit ang nakuhang bentahe nang magtamo ng shotclock violation ang Davao may 24. 2 segundo matapos ang krusyal turnover ni John Wilson.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Nakakuha ng foul si Yee ay naisalpak ang dalawang free throw para muling makuha ang bentahe para sa Davao. Sa sumunod na play, nakalusot si Ayonayon sa depensa, ngunit napigilan siya ni Robles sa kanyang layup attempt. Muling nakakuha ng foul si Yee para selyuhan ang panalo.

Nanguna Calo sa Davao na may 15 puntos. Nakatakda ang Game Two Huwebes ng gabi sa Subic arena.

Iskor:

Davao Occidental (77) - Yee 15, Calo 15, Custodio 12, Mocon 9, Robles 9, Balagtas 6, Terso 5, Saldua 2, Ludovice 2, Gaco 2, Albo 0.

San Juan (75) - Ayonayon 27, Wilson 15, Clarito 9, Rodriguez 9, Isit 4, Tajonera 3, Gabawan 2, Estrella 2, Pelayo 2, Reyes 2, Wamar 0, Aquino 0.

Quarterscores: 15-15, 30-30, 43-49, 68-68, 77-75.