ni Mary Ann Santiago
Inaasahang papalo ng hanggang P264 milyon ang jackpot prize ng GrandLotto 6/55 sa isasagawang pagbola dito ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) ngayong Miyerkules ng gabi.
Ayon kay PCSO General Manager Royina Garma, walang nakapag-uwi sa jackpot prize ng GrandLotto 6/55 sa isinagawang bola nito noong Lunes ng gabi, Marso 15.
Wala aniyang nakahula ng winning combination na 51-54-49-37-35-08 kaya’t hindi rin naiuwi ang jackpot prize na P256,629,838.40. Dahil dito, tiyak aniyang madaragdagan ang jackpot prize ngayong gabi at aabot na ng hanggang P264 milyon.
Inaasahan ding aabot sa P60 milyon ang jackpot prize ng MegaLotto 6/45 na bobolahin rin ngayong Miyerkoles ng gabi, matapos na walang makahula sa winning combination na 35-02-45-13-34-07 nitong Lunes ng gabi at may katapat na P58,251,830 na jackpot prize.