ni Celo Lagmay
Kasabay ng pagdagsa ng aning sibuyas ng ating mga kababayan sa Bongabon, Nueva Ecija, -- ang tinaguriang ‘Onion Country’ of the Philippines -- bumulusok naman ang presyo nito. Isipin na lamang na wala na yatang 10 piso ang isang kilo ng sibuyas. Isa itong nakapanlulumong pangyayari na nagdulot ng malaking kawalan sa mga onion farmers, lalo na kung isasaalang-alang ang malaking gastos sa produksiyon ng naturang pananim; lalo na ngayon na masyadong dehado ang mga magsisibuyas dahil sa pamamayagpag ng malalaking onion importers na mistulang lumulumpo sa industriya ng sibuyas sa bansa.
Higit kailanman, ngayon dapat agapayan ng gobyerno ang ating mga onion farmers sa pamamagitan ng pagtatayo ng mga cold storage upang may mapagimbakan ng mga inaaning sibuyas; naniniwala ako na hindi kaagad maibebenta ang mga ito dahil nga sa pagdagsa sa mga palengke ng inaangkat na mga sibuyas. Sa gayon maiiwasang mabulok ang naturang produkto upang maipagbili sa tamang panahon.
Ngayon dapat paigtingin ng administrasyon sa pamamagitan ng Department of Agriculture (DA) ang pagpapatayo ng nasabing mga pasilidad sa iba’t ibang lugar, lalo na nga sa Bongabon na pinag-aanihan ng malaking kantidad ng sibuyas. Nahiwatigan ko kamakailan na ang pamunuan ng DA sa Central Luzon ay nagsimula nang bumalangkas ng mga plano hinggil sa konstruksiyon ng naturang planta.
Maging ang Nueva Ecija provincial government ay sinasabing magpapatayo ng cold storage sa Central Luzon State University (CLSU) at sa San Jose City hindi lamang para sa sibuyas kundi maging sa iba pang produkto na tulad ng gulay at iba pa. Bahagi ito ng pagdamay hindi lamang sa mga magsisibuyas kundi maging sa mga magsasaka sa kabuuan.
Marapat na isabay na rin, samakatuwid, ang pagpapatayo ng mga mechanized drier hindi lamang para sa mga palay kundi maging sa mga mais na halos magkasabay na inaani. Ang ganitong mga pasilidad ay lubhang kailangan lalo na ngayon na mahigpit na ipinagbabawal ang pagbibilad ng palay at mais sa mga kalsada. Isa itong paghihigpit na marapat lamang sundin hindi lamang bilang paggalang sa batas kundi upang maiwasan ang anumang panganib sa pagragasa ng mga sasakyan.
Idagdag pa rito ang pagsaklolo sa kapuwa mga onion,rice at corn farmers sa pamamagitan ng pagkakaloob ng abono, farm machineries at iba pa upang lalong lumaki ang produksiyon na lubha ring kailangan ngayon dahil sa dinaranas na kahirapan ng ating mga kababayan.
Hindi dapat panghinayangan ang ibayong pag-ayuda sa mga dapat pagmalasakitan, lalo na nga ng ating mga magbubukid na mistulang bumubuhay at naghahatid ng kailangan nating pagkain.