ni Mary Ann Santiago

Magsisimula na ngayong Huwebes, Marso 11, ang limang araw na lockdown na ipinag-utos ni Manila Mayor Isko Moreno na ipatupad sa dalawang barangay at dalawang hotel sa lungsod ng Maynila, bunsod ng pagtuloy na pagtaas ng mga kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) doon.

Sa kanyang anunsiyo sa Facebook live nitong Martes ng hapon, sinabi ni Moreno na kabilang sa ila-lockdown ang Barangay 351 sa San Lazaro, Tayuman, na nagtala ng 12 kaso ng COVID-19, at ang Barangay 725 sa Malate na may 14 na kaso.

Ila-lockdown din ang Bayview Mansion at Hop Inn Hotel sa bahagi ng Barangay 699, sa Malate, matapos na makapagtala ng 17 kaso ng COVID-19.

National

Matapos rebelasyon ni Garma: Ex-Pres. Duterte, dapat nang kasuhan – Rep. Castro

Sisimulan ang lockdown dakong 12:01 ng hatinggabi ng Marso 11, Huwebes, hanggang 11:59 ng gabi ng Marso 14, Linggo.

Kaugnay nito, muling ipatutupad ang paggamit ng quarantine pass para sa mga residente sa mga naturang barangay na kinakailangang lumabas ng kani-kanilang tahanan upang bumili ng pagkain.

Magpapakalat din ang Manila Police District (MPD) ng mga pulis sa mga naka-lockdown na barangay.