ni Fer Taboy at Liezle Basa Inigo
Inaresto ng pulisya ang tatlong umano’y miyembro ng dalawang drug syndicate nang masamsaman sila ng halos P30 milyong halaga ng illegal drugs sa magkakahiwalay na anti-illegal drugs operations sa Bulacan at Isabela, kamakailan.

Sa Sta. Maria, Bulacan, inaresto ng Philippine National Police-Drug Enforcement Group (PNP-DEG) ang unang inaresto na si si Jayson Quijoy, 37, taga-Bgy. Bago Bantay, Quezon City. Si Quijoy ay nadakip nang aktong tinatanggap ang parcel na ipinadala sa kanya ng Glus SDN BHD ng 18G Jalan SG 3/2 Taman SRI Gombak 68100 Batu Caves, Selangor, Malaysia na nagkakahalaga ng P13.6 milyon, sa Pantaleon St., Bgy. Guyong.
Kamakailan, hinarang na ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA)-Inter-Agency Drug Interdiction Task Group ang nasabing parcel na nauna nang idineklarang “steamboat with grill” matapos matuklasang naglalaman ito ng shabu at naka-consign ito kay Quijoy.
Dahil dito, kaagad na nagsagawa ang mga awtoridad ng controlled anti-illegal drugs operation na ikinaaresto ni Quijoy na nahaharap na sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Kaugnay nito, dalawang high value individuals ang dinakip ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Bgy. Abut, Quezon, Isabela, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ang mga suspek na sina Anwar Sindato, taga- Las Piñas City at Elson Cabunyag, taga-Port Area sa Maynila. Nadakip ang dalawa sa ikinasang buy bust operation ng pinagsanib na puwersa ng Provincial Drug Enforcement Unit, Isabela Police Provincial Office sa pangunguna ni Col. James Cipriano, Regional Drug Enforcement Unit 2 na pinangunahan ni Capt. Jhun Jhun Balisi, PDEA Region II, Provincial Explosives and Canine Unit ng Isabela at Quezon Police Station. Nasamsam sa dalawa ang dalawang bricks ng marijuana na ibinenta ng mga ito poseur buyer kapalit ng boodle money. Tinangka umanong tumakas ng dalawa nang matunugang pulis ang katransaksyon nila.
Gayunman, naharang ang dalawa sa quarantine checkpoint ng Quezon, Isabela Police sa nasabing bayan.
Narekober din sa kanilang sasakyan ang 125 bricks ng marijuana na nasa 130 kilos at nagkakahalaga ng P16 milyon, isang caliber 45 Colt Mark 4 na pistol na may lamang pitong bala at mga bala ng M14 rifle, at shabu na nagkakahalaga ng P20,400.00.
Nakatakdang kasuhan ang mga ito dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 at Republic Act 10591.