ni Celo Lagmay
Walangkagatul-gatol ang paninindigan ng liderato ng Philippine National Police (PNP): Sisibakin o ititiwalag sa tungkulin ang 18 pulis na positibo sa shabu at maaring sa iba pang ipinagbabawal na droga. Ang naturang desisyon ay pinaniniwalaan kong nakaangkla sa puspusang kampanya ng Duterte administration na kaugnay ng paglipol sa mga sugapa sa droga, kabilang na ang pagsugpo sa kaliwa’t kanang mga katiwalian na gumigiyagis sa gobyerno at lipunan.
Walang hindi sasaludo, wika nga, sa naturang pasiya ng pamunuan ng PNP. Subalit natitiyak ko na iyon ay magbubunsod ng isa pang katanungan: Ang sisibaking 18 pulis lamang kaya ang positibo sa droga? Ang nasabing pag-uusisa ay maaring ibinatay sa paniniwala na hindi lamang sila ang natukso at nalulong sa shabu, lalo na nga kung isasaalang-alang ang mahigit na 200,000 tauhan ng PNP. Tila mahirap paniwalaan na walang nahawa, wika nga, sa naturang 18 pulis na nahaharap sa outright dismissal. Hindi kaya higit kailanman, ngayon lalong paigtingin ng PNP ang laging ipinangangalandakan nilang paglilinis ng kanilang hanay?
Sa gayong estratehiya ng pagsala o screening, matitiyak ang lahat ng positibo sa illegal drugs. Subalit natitiyak ko na lulutang ang matindi ring katanungan: Paano naman ang mga positibo sa pagbebenta ng shabu na laging kasabwat ng mga druglords? Hindi ba bukod sa ilang puwersa ng pulisya, maraming tinatawag na narco-politicians ang utak ng walang patumangga sa pagpapalaganap ng mga bawal na droga? Hindi mamatay-matay ang mga alegasyon na gumagala pa rin ang tinaguriang mga ninja cops na nakikipag-ulayaw sa mga sugapa sa bawal na gamot -- at maging mga salot sa mga komunidad. Sila ang marapat puntiryahin ng ating mga alagad ng batas,
Naniniwala ako na kilalang-kilala nila ang mga balakid sa paglikha ng lipunang ligtas sa kamandag ng illegal drugs. Maaring iniingatan pa nila ang narco list o listahan ng mga kakutsaba sa pagpapalaganap ng bilyun-bilyong halaga ng shabu na nagmula sa iba”t ibang bansa, kabilang na marahil ang mga nanggaling sa mga shabu laboratory na patagong pinakikilos ng ilang opisyal at tauhan ng PNP; maaring iniingatan pa nila ang mga sipi ng listahan o narco list na matagal nang ibinunyag ni Pangulong Duterte. Sayang at tila nabura na, wika nga, ang ilang pangalan na nagdudumilat sa nabanggit na listahan. Ngayon dapat patunayan ng PNP ang matatag na determinasyon nito na kailangan ganap na mapuksa ang illegal drugs sa bansa.
Sa harap ng gayong mga pangyayari, hindi napapawi ang aking paniwala na may mga dapat pang sibakin, wika nga, sa hanay ng ating pulisya -- at maging sa mga narco-politicians -- upang masaksihan natin ang tunay na larawan ng drug-free Philippines.