ni Celo Lagmay
Matinding panlulumo at pagkagulantang ang mistulang lumukob sa aking kamalayan sa natunghayan kong programa sa telebisyon: Isang dalagitang 14 anyos ang walang kagatul-gatol na umaming siya ay nagsilang ng sanggol. Ngayon, siya at ang kanyang boyfriend ay nasa pagkandili ng kanilang mga magulang. Hindi ba ito ang tinatawag na teen-age pregnancy na nakakahumalingan ngayon ng ilang sektor ng mga kabataan?
Ang naturang ‘di kanais-nais na pangyayari ay natitiyak kong nagpalutang ng ilang katanungan: Paano na ang kahihinatnan ng kanilang anak? Ang kanilang pag-aaral? At ang kanilang kinabukasan?
Sa kabilang dako, ang nabanggit na mga katanungan ay naglantad naman sa katotohanan na ang gayong nakapanlulumong eksena ay sanhi ng kakulangan ng parental guidance o pagpatnubay ng mga magulang. Nangangahulugan na hindi natin napag-ukulan ng epektibong pansin ang kilos ng ating mga anak; dahil marahil sa katotohanan na ang ilan sa atin ay abala sa paghahanapbuhay at iba pang gawain na totoo namang para sa kapakanan ng ating pamilya.
Hindi ito nangangahulugan na ganito rin ang naghaharing situwasyon sa ibang pamilya. Naniniwala ako na higit na nakararami ang katulad nating mga magulang na masyadong maingat na nakasubaybay sa kanilang mga supling, lalo na sa kanilang pag-aaral at pakikisalamuha sa kanilang kapuwa mga tinedyer; dahilan upang sila ay lumaking mga uliran at huwarang mga anak.
Totoo na tayong mga magulang ay marapat lamang tumalima sa makabuluhang mga obligasyon upang manatiling matatag ang ating pamilya. Tulad nga ng laging ipinagugunita ni Dr. Juan Antonio Perez lll ng Population Commission (POPCOM), dapat magkaroon ng limitasyon ang bilang ng ating mga supling. Ibig sabihin, marapat ang pagpaplano ng pamilya o family planning, lalo na kung isasaalang-alang ang mabilis na paglobo ng ating populasyon na ngayon ay umaabot na sa mahigit na 100 milyon. Mahalaga ang gayong sistema lalo na kung iisipin na ang maliit na bilang ng mga miyembro ng pamilya ay nangangahulugan ng magandang kinabukasan para sa ating mga anak.
Ito marahil ang dahilan kung bakit puspusang itinataguyod ng POPCOM ang vasectomy -- pagkapon sa mga kalalakihan upang hindi na magkaanak. Ang ganitong sistema, kung sabagay, ay nakasalalay sa kapasiyahan ng mga kinauukulang mga ama ng tahanan.
Sa kabila ng lahat, marapat lamang na pag-ibayuhin ng katulad nating mga magulang ang palaging pagpapaalala sa ating mga supling sa lahat ng makabuluhang mga bagay na dapat nilang malaman -- habang sila ay nangangailangan ng ating pamamatnubay o parental guidance upang maiwasan ang pagkapariwara ng kanilang murang isipan.