ni Celo Lagmay
Nang nakaraang mga araw, lagi kong kinaiinipan ang paghupa ng matinding banta ng pandemya na patuloy na nananalanta sa lahat halos ng bansa sa daigdig. Kaakibat ito ng nakababagot na paghihintay sa pagdating ng anti-coronavirus vaccine na mistulang pinag- aagawan ng sangkatauhan, lalo na ng ating mga kababayan na dinapuan ng nakakikilabot na COVID-19 na kumitil na ng maraming buhay.
Ang aking pagkainip ay lalo pang pinasisidhi ng sinasabing paglutang ng mga alingasngas hinggil sa pagpili ng mga vaccine manufacturers na dapat pagbilhan ng kailangan nating mga bakuna; at may mga haka-haka pa na ang mga transaksyong isinasagawa ng mga awtoridad ay nababahiran ng mga pagdududa. Mabuti na lamang at napawi ang gayong pag-aalinlangan sa mismong public hearing sa Senado. Ngayon, gumugulong na ang mga pag-uusap upang mapabilis ang pagbili ng naturang
bakuna, kasabay ng paghahanda at paghahanap pa ng bilyun-bilyong pisong vaccine funds.
Subalit higit na matinding pagkainip ang aking nadama sa paghihintay ng resulta ng coronavirus test na isinagawa sa akin sa isang ospital sa Metro Manila. Matinding pagkabagabag ang dumaan sa aking kamalayan. Naisip ko na kung sakaling ako ay positibo sa naturang nakahahawang mikrobyo, tiyak na ako ay mananatili sa quarantine facilities sa loob ng 14 na araw; lalong magbubuhay-ermitanyo o preso na walang dapat makahalubilo at magtitiis sa loob ng mahabang nakabuburyong na mga araw.
Sa isang pagsusuri ng aking doktor sa Philippine Heart Center (PHC), natuklasan na ako ay pinahihirapan ng matinding pag-ubo -- isang sintomas ng COVID-19. Niresitahan ng malalakas na gamot kasabay ng matinding tagubilin na ako ay dapat isailalim sa anti-virus test sa Lung Center. Isa namang malaking pagkukunwari at pagtatapang-tapangan kung hindi ko aaminin na masyadong pangamba, pagkatakot, pagkabagabag at nerbyos ang gumimbal sa aking katauhan.
Tatlong araw ang aking hinintay sa resulta ng naturang COVID test: NEGATIVE. Nadama ko na ako ay nabunutan hindi lamang ng tinik kundi ng matulis na bareta. Kasabay ito ng aking pasasalamat sa ating Panginoon sa tulong ng matapat na dalangin ng aking mga mahal sa buhay, mga kapatid sa iba’t ibang larangan ng pamumuhay.
Sa bahaging ito, marapat lamang na paigtingin ng ating mga kababayan ang pagtalima sa mahihigpit na health protocol sa lahat ng sandali kahit na dumating na ang hinihintay nating anti-virus vaccine. At nais kong idagdag ang ating pinakamakapangyarihang sandata laban sa nakamamatay na mikrobyo: Ibayong pag-iingat at taimtim na panalangin sa lahat ng pagkakataon.