ni Ben Rosario
Iimbestigahan na ng mga kongresista ang mga reklamo laban sa private motor vehicle inspection centers (PMVICs) sa buong bansa.
Itinakda ni House committee on transportation chairman Samar Rep. Edgar Mary Sarmiento ang pagdinig sa Miyerkules, Pebrero 10.
Ikinasa ang imbestigasyon bunsod na rin ng Resolution No. 1581 na inakda ni Deputy Speaker at Cagayan de Oro Rep. Rufus Rodriguez.
Sa kanyang resolusyon, binanggit ni Rodriguez na dapat ang trabaho ng bagong PMVICs na papalit sa mga pribadong emission testing centers (ETCs), ay tiyakin kung sumusunod sa standards ang isang behikulo, hindi lamang sa emission kundi pati na rin sa roadworthiness nito.
Aniya, aabot sa 138 PMVICs ang pinahintulutan ng Land Transportation Office (LTO) na makapag-operate sa buong bansa.
“However, there are already numerous reports of inconsistencies and anomalies regarding these private inspection centers,” sabi nito.
Kaugnay nito, hinikayat din ni Rodriguez ang Department of Transportation(DOTr) at LTO na suspendihin muna nag kanilang motor vehicle inspection program sa panahon ng pandemya.