Sa gitna ng panggagalaiti ng sambayanan na laging ginugulantang ng pagtaas ng presyo ng bilihiin -- lalo na ng produkto ng agrikultura -- walang humpay ang mga pagtatanong: Bakit nga ba hindi mapigilan ang pagtaas ng halaga ng nasabing mga produkto? Sino ang mga salarin o salot sa mga pamilihan na sinasabing mga utak ng manipulasyon ng mga presyo? Ang ganito kayang sistema ng mistulang pagsasamantala ay naglalayong wasakin ang Duterte administration?
Totoong nakababahala ang gayong nakagagalit na situwasyon sa ating mga pamilihan, lalo na kung iisipin na ang ating mahihirap na kababayan ang nagdurusa. Isa itong situwasyon na hindi natin dapat masaksihan lalo na kung isasaalang-alang na hindi miminsang tiniyak ng Department of Agriculture (DA) na sapat ang ating mga karneng baboy at manok; gayon din ang isda, gulay at iba pang agricultural products.
Gusto kong maniwala na ang walang humpay na pagtaas ng presyo ng nasabing mga produkto ay kagagawan ng ilang mapagsamantalang mga negosyante na sinasabing kabilang sa mapanganib na cartel. Ibig sabihin, ang mga ito na kung minsan ay binabansagang mga buwitre ng lipunan, ang nagtatakda ng mataas na halaga ng mga bilihin; at sila rin ang hindi malayong lumilikha ng artificial shortage ng mga produkto upang bigyang-daan ang mga pagsasamantala sa mga mamimili.
Sa mga lalawigan na pinag-aaniihan ng malaking kantidad ng iba’t ibang gulay, halimbawa, malimit masaksihan ang mga galamay ng cartel. Palibhasa’y walang sapat na transportasyon ang ating mga kababayang magsasaka ng gulay, hindi nila mailuwas sa Metro Manila at iba pang kalunsuran ang kanilang mga produkto. Dahil dito, napipilitan silang maipagbili sa mga negosyante ang kanilang mga ani sa mababang halaga. Dahil din dito, hindi ba kapani-paniwala na ang nasabing mga produkto ay ibinebenta naman nila sa presyong abot-langit, wika nga? Walang magawa ang ating karaniwang mamimili kundi kagatin ang anumang presyo na itatakda ng ilang buhong at mapagsamantalang komersyante.
Mabuti na lamang at kumilos ang DAsa pamamagitan ng pagbibigay ng mahigpit na tagubilin sa mga regional officer na bilisan ang paghahatid ng mga agri products sa Metro Manila upang maibsan ang walang patumanggang pagtataas ng presyo na nagpapabigat sa taumbayan.
Hindi marahil isang kalabisang imungkahi sa naturang ahensiya ang pagpapatupad ng batas laban sa profiteering. Kabilang na rito ang paglipol sa mga cartel hindi lamang sa mga agicultural products kundi maging sa iba pang mga bilihin.
Ang paglalapat ng buong puwersa ng batas ang pinaniniwalaan kong epektibong panlipol sa lahat ng sistema ng pagsasamantala sa pamilihan -- para sa kapakinabangan nating lahat.
-Celo Lagmay