WALANG dapat ipagtaka sa pag-alma ng ilang sektor ng sambayanan sa pagpapawalang-bisa ng isang kasunduan sa pagitan ng Department of National Defense (DND) at ng University of the Philippines (UP) maraming dekada na ang nakararaan. Hinggil ito sa pagbabawal sa mga sundalo, kabilang na ang mga pulis, na pumasok sa UP campus nang walang pahintulot ng pamunuan ng naturang pamantasan.
Kagyat ang naging reaksiyon ng naturang mga sektor, lalo na ng UP community: Tandisang paglabag ito sa tinatawag na academic freedom. At maging sa tinatawag na freedom of the press, lalo na nga kung isasaalang-alang na ang nabanggit na unibersidad ay kinikilala bilang tanyag na institution of learning sa bansa.
Hindi ko matiyak kung ano ang tunay na adhikain ng pagpapawalang-bisa sa nabanggit na kasunduan. Marahil, may kaugnayan ito sa mga haka-haka na ang naturang pamantasan na malimit bansagang sentro ng aktibismo sa bansa ay sinasabing nagiging kanlungan ng umano’y mga kritisismo ng kasalukuyan -- at maging ng nakalipas -- na mga administrasyon; na ang kampus na ito ay pinamumugaran ng mga aktibistang mistulang mga kriminal.
Batay sa mga personal ng mga obserbasyon, hindi ko nasaksihan ang gayong mga pagbibintang. Halos isang dekada rin akong naghahatid sa naturang unibersidad ng aming mahal sa buhay. Sa halos araw at gabi, panatag ang naturang misyon na matagal-tagal ko ring ginampanan.
Sa aking pananaliksik, napag-alaman ko na ang nabanggit na kasunduan ay nilagdaan noong administrasyon ni Pangulong Corazon Aquino. Bunsod ito ng kaguluhang naghahari sa bansa kasunod ng People Power Revolution na sinundan ng pagsilang ng bagong demokrasya. Noon, hindi pinayagan ang mga sundalo at pulis na makapasok sa UP campus, lalo na nang maganap ang sunod-sunod na kudeta laban sa administrasyon. Adhikain nito, marahil, na maiwasan ang nakakikilabot na ‘desaparacidos’ o basta na lamang pagkawala ng mga estudyante at mga sibilyan na nasa loob ng kampus.
Dahil sa kabila ng nakadidismayang situwasyon noon sa UP campus, naniniwala ako na pakay ngayon ng PNP na burahin ang paniniwala ng ilang sektor na ang nasabing unibersidad ay may sariling republika; na ito ay hindi na sentro ng aktibismo. Nais ng nasabing ahensiya ng gobyerno na lumikha ng tahmik na kapaligiran sa nasabing paaralan, lalo na ngayon na ito ay kinikilala sa buong daigdig.
Dahil din dito, marapat lamang na malayang makapasok ngayon ang mga sundalo at pulis sa UP campus -- lalo na kung may naghaharing kaguluhan -- para sa katiwasayan at kapanatagan ng loob ng hindi lamang ng UP community kundi maging ng taumbayan.
-Celo Lagmay