Sa kabila ng pagtaas ng bilang ng mga dinadapuan ng COVID-19 sa kasagsagan ng holiday season -- sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon -- lalong pinaigting ng gobyerno sa pamamagitan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang pagpapatupad ng mahihigpit na health protocols. Layunin nito na mahadlangan ang paglaganap kundi man ganap na mapuksa ang nakamamatay na coronavirus.
Ang gayong mga pagsisikap ay walang pag-aatubili namang itinaguyod ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan, lalo na ng mga local government units (LGUs) upang maibsan ang tumindi pang banta ng naturang nakahahawang mikrobyo. Mistulang nagpapaligsahan ang mga pamahalaang lokal -- lalawigan, siyudad at bayan kabilang na ang mga barangay -- sa hangaring matamo ang pagiging COVID-free ng kani-kanilang mga nasasakupan.
Sa bahaging ito, nakalulugod mabatid na mangilan-ngilan na lamang ang bilang ng mga sinalanta ng coronavirus sa aming lalawigan sa Nueva Ecija. At lalong nakatutuwa ang ulat na ang aming bayan -- ang Zaragosa -- ay maituturing nang virus-free. Dahil sa katotohanang ito, binigyang-diin ni Gob. Aurelio M. Umali -- sa pamamagitan ni Provincial Administrator Atty. Al Abesamis -- na hindi titigil ang pamahalaang panlalawigan sa implementasyon ng mga tagubilin upang tuluyan nang masugpo ang nakakikilabot na mikrobyo.
Marapat lamang na ipagpatuloy ang utos ni Gob. Umali hinggil sa pangangalaga sa mangilan-ngilan pang pinahihirapan ng nabanggit na karamdaman. Kaakibat nito ang pagpapatupad ng mahigpit na quarantine care -- lalo na sa mga may sintomas ng virus -- upang maiwasan ang paghahawahan. Kaakibat nito ang patuloy na pagkakaloob ng kailangang mga medesina; tama lamang na agapayanan ang mga Novo Ecijano sa kailangang swab test at iba pang pagsusuri.
Nakalulugod ding mabatid ang paniniyak ng pamahalaang panlalawigan na ito ay nakapaglaan na ng sapat na pondo para sa pagbili ng anti-virus vaccine. Tulad ng iba’t ibang LGUs, napag-alaman ko na ang aming lalawigan ay nananabik sa aksiyon ng national government tungkol sa madaliang pag-angkat ng bakuna na sinasabing manggagaling sa China. Kasabay ito ng paniniyak ng aming gobernador na walang maiiwanan sa isasagawang pagbabakuna.
Samantala, hindi dapat palampasin ang anumang pagkakataon upang ipagpatuloy ang mga pagsisikap sa ganap na paghupa ng nasabing mikrobyo. At hindi dapat ipagwalang-bahala ng sinuman ang makapangyarihang sandata, wika nga, laban sa COVID-19 at iba pang kapahamakan: Ibayong pag-iingat at taimtim na panalangin sa lahat ng sandali.
-Celo Lagmay