Nang lumutang ang masasalimuot na isyu hinggil sa sinasabing kontrobersyal na pagpapaturok ng bakuna laban sa COVID-19, lalong tumindi ang agam-agam at nanlamig ang pananabik ng sambayanan sa inaasahan nilang lunas sa matindi ring banta ng coronavirus. At hindi malayo na tumindi rin ang hinala ng taumbayan na ang pagbili at pag-angkat ng naturang bakuna ay nabahiran ng kahina-hinalang transaksiyon na lalong magpapabigat sa mga pagsisikap na masugpo ang paglaganap ng nakamamatay na mikrobyo.
Bagama’t makatuwiran ang naiulat na pagpapaturok ng anti-virus vaccine ng mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG), halimbawa, lalo na nga kung isasaalang-alang na ang naturang grupo ang nangangalaga sa seguridad at kalusugan ni Pangulong Duterte, hindi maiaalis na ang gayong pangyayari ay nagdulot din ng pag-aalinlangan sa taumbayan. At hindi rin naiwasang lumutang ang katanungan: Saan at paanong nakakuha ang PSGng gayong bakuna? At bakit sila lamang ang nabakunahan?
Maaaring iyon ang dahilan kung bakit ang Senado at Kamara ay nagbabalak magsagawa ng mga pagdinig upang ugatin ang sinasabing mahiwagang pagdating sa bansa ng nabanggit na bakuna. At ipatatawag ang mga tauhan ng PSG. Kaakibat naman ito ng matindi ring pahiwatig ni Pangulong Duterte na mistulang hihilahin niya sa Kongreso ang naturang mga sundalo at pagbabawalang humarap sa dalawang kapulungan. Kasabay nito ang paglutang ng pinangangambahang constitutional crisis.
Matindi rin ang pangamba na inihahatid ng sinasabing bagong variant ng COVID-19 na natuklasan sa United Kingdom. Kung sabagay, walang maliwanag kung ito ay nakarating na sa ating bansa subalit naniniwala ako na iyon ay dagdag na panganib na lumukob sa ating mga kababayan; matindi na ang hatid na pangamba ng kasalukuyang coronavirus na walang humpay na nananalasa sa daigdig.
Hindi pa napapawi ang agam-agam na likha ng bakuna laban naman sa dengue -- isang epidemya na naging dahilan ng kamataynan ng ilang kababayan natin, kabilang na ang maraming kabataan. Ang kontobersiyal na bakuna na nauna nang itinurok sa libu-libong mga kabataan ay nagbunsod ng pagsasampa ng mga asunto laban sa sinasabing utak ng mga negosasyon sa pagbili ng bilyun-bilyong pisong gamot.
Hindi kailangan lumawig ang mga agam-agam na marapat pahupain ngayon ng ating mga awtoridad. Dapat nilang atupagin ang mabilis subalit maingat na pag-angkat ng bakuna; tyakin na ito ay makatutugon sa mahigpit na pagsusuri ng Food and Drug Authority ( FDA) upang matiyak din ang ating kaligtasan.
Higit sa lahat, tiyakin ang walang kinikilingang pagtuturok ng bakuna sa lahat ng mamamayang Pilipino.
-Celo Lagmay