PUMANAW nitong Sabado sa edad na 33 ang dating NCAA MVP na si Sudan Daniel.

Kasamang nagdiwang ng Kapaskuhan ang dating foreign player ng San Beda na naging boses ng Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 kasama ng malalapit na mga kaibigan-ang kambal na sina Anthony at David Semerad sa Calatagan, Batangas.

Inatake umano si Daniel ng matinding asthma na siyang naging dahilan ng pagpanaw nito.

Naisugod pa siya sa Calatagan Medicare Hospital ngunit idineklarang “dead on arrival”.

'Pikon daw?' UAAP fan na nag-dirty finger, agaw-eksena sa San Juan Arena!

Binansagang “Superman” nang maglaro ito noong NCAA Season 85 bilang kapalit na foreign player ni Sam Ekwe kung saan nagwagi siya bilang Rookie of the Year.

Nang sumunod na taon ay nagwagi naman ang 6-foot-7 big man bilang Most Valuable Player at Defensive Player of the Year matapos pamunuan ang Red Lions sa record na 18-0 sweep upang makamit ang titulo.

Hindi naman siya nakalaro nitong Season 87 matapos magtamo ng ACL tear.

Matapos ang kanyang playing years, nanatili pa rin si Daniel sa bansa kung saan naging skills coach bago naging master of ceremony para sa Chooks-to-Go Pilipinas 3×3 kasama ni Mike Swift noong nakaraang taon.

-Marivic Awitan