UMAATIKABONG bakbakan ang inaasahan sa labanan ng 13 sa pinakamagagaling na kabayo sa bansa sa ika-48 yugto ng Philippine Racing Commission Presidential Gold Cup sa Linggo (Dec. 27) sa San Lazaro Leisure Park (SLLP), Carmona, Cavite.

Pangungunahan ng 2020 Triple Crown champ Heneral Kalentong ang mga kasali sa karera, kasama ang Real Gold (jockey JPA Guce, owner C&H Enterprise), Boss Emong (jockey MM Gonzales, owner Edward Vincent Diokno), Shanghai Grey (jockey KB Abobo, owner Melanie Habla), Princess Eowyn (jockey FM Racquel, owner Laiza Eje) at Victorious Colt (jockey OP Cortez, owner Maria Felizita Mangaliman).

Magtatangka naman ang kampeon na Super Sonic (jockey JA Guce, owner Leonardo M. Javier Jr.) na pantayan ang record ng Hagdang Bato, na nagwagi ng 2 Presidential Gold Cup na titulo noong 2012 at 2014.

Kasama rin sa magtatangkang manalo sa 2,000-meter na karera ang Electric Truth (AP Asuncion, Andok's Litson Corp.), Super Swerte (JB Guce, RMR Equine Inc.), Pangalusian Island (MA Alvarez, Wilbert Tan), Toy For The BigBoy (PM Caballejo and Alberto Santos) at Wonderland (PR Dilema) at Patong Patong (JD Flores), na parehong pag-aari ng Ken Logistics Forwarding.

Classic movie ‘Ipaglaban Mo!’, ipinalabas ng CCP bilang kampanya vs VAWC

Tumataginting na P3 milyon ang inihandang premyo ng Philracom, kung saan P1.8 ang mapupunta sa mananalo. Ang pangalawa hanggang ikaanim na pupuwesto ay tatanggap ng P675,000, P375,000, P150,000, P90,000 at P60,000, ayon sa pagkakasunod, kasama ang P100,000 na insentibo sa winning breeder.

Dadalo para pangasiwaan ang karera sina bagong talagang Philracom Chairman Reli de Leon at Board of Commissioners.

Ang Presidential Gold Cup ay sinimulun nitong Oktubre 7, 1973 ng namayapang PCSO Chairman at General Manager Nereo C. Andolong.

Napanalunan ni Sun God, na pag aari ni Don Pedro Cojuangco, ang unang yugto ng Presidential Gold Cup sa San Lazaro Hippodrome, samantalang ang Fair and Square naman ang unang kabayo na nanalo ng dalawang sunod noong Disyembre 12, 1982  sa San Lazaro Hippodrome.