Dati, iniuutos lamang ni Pangulong Duterte ang pagsunog sa mga bawal na droga at ang pagwasak sa mga laboratoryo ng shabu na matatagpuan sa iba’t ibang panig ng kapuluan. Ngayon, sinaksihan niya sa Trece Martires City, Cavite ang mismong pagsunog ng shabu na nagkakahalaga ng mahigit na P6 billion na nakumpiska sa mga drug raids. Ang naturang mga bawal na gamot ay tila bahagi ng iba pan shabu na masinop at maingat na nakaimbak sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Hindi ito ang unang pagkakataon na pinamunuan ng PDEA ang gayong pagsunog ng shabu sa nasabing lungsod. Bilyun-bilyong pisong halaga ng bawal na droga ang winasak sa pahintulot na rin marahil ng mga husgado na lumilitis sa iba’t ibang drug cases.
Gusto kong maniwala na ang pagsaksi ng Pangulo sa pagsunog ng bilyun-bilyong halaga ng shabu ay bunsod ng kanyang determinasyon na lipulin ang mga bawal na gamot pati ang pinanggalingan ng mga ito; kaakibat na rin ang mismong pagpuksa sa mga users, pushers at mga druglords. Totoo kaya ang mga haka-haka na may mga nakukumpiskang shabu na nananatili sa pag-iingat ng tinaguriang mga narco-drug personalities na kinabibilangan ng ilang pulitiko, negosyante at ng mga ilang law enforcement agencies? Hndi ba ang tinatawag na ninja cops ang pasimuno sa kasumpa-sumpang pamamahagi ng illegal drugs?
Hindi maiiwasang lumutang ang gayong mga paghihinala, lalo na nga kung iisipin na hanggang ngayon ay tila hindi maubos-ubos ang talamak na droga. Katakut-takot ang shabu na nasasabat ng ating mga alagad ng batas sa kanilang mga drug operations. Ang mga ito kaya ay bahagi ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu na nakapupuslit sa Bureau of Customs (BOC)? Hindi ba malimit masabat ng mga awtoridad ang bulto-bultong droga na lumulutang sa ating karagatan? Sinasabi na ang malaking bahagi ng nasabing mga bawal na gamot ay nagmumula sa China at sa iba pang karatig na bansa.
Totoong mahirap masugpo ang paglaganap ng mga bawal na droga. Bukod sa BOC at sa iba pang malalaking pantalan, marami pa sa ating mga dalampasigan ang posibleng pagdaanan ng mga drug smugglers. Isipin na lamang na 7,000 isla ang bumubuo sa ating bansa. Halos imposibleng masabat ang iba’t ibang kontrabando, kabilang na ang mga droga na idinadaan sa naturang mga isla.
Sa kabila ng gayong situwasyon, naniniwala ako na hindi natitigatig ang Pangulo sa pagpuksa ng illegal drugs. Bahagi ito ng kanyang plataporma sa paniwala na ang mga bawal na gamot ang matinding balakid sa paglikha niya ng isang malinis at matatag na gobyerno para sa ating mga Pilipino. Kailangang malipol ang mga pasimuno hindi lamang sa droga kundi maging sa paghahasik ng kriminalidad at iba pang kaguluhan upang matamo ng sambayanan ang tunay na criminal and drug-free Philippines.
-Celo Lagmay