SA pagkakahirang ni Pangulong Duterte kay General Debold Sinas bilang bagong Director General ng Philippine National Police (PNP), biglang lumutang ang magkakasalungat na mga pananaw: Katakut-takot na mga pagtuligsa ng Opposition kay Pangulo at sa mismong itinalaga sa tungkulin. Subalit maliwanag sa ating Konstitusyon na kapangyarihan ng Pangulo ang humirang ng sinuman na kanyang napupusuan kahit na ang mga ito ay taliwas sa kagustuhan ng sambayanan.
Ang ganitong sistema ang pinanghahawakan ng mga itinatalaga sa tungkulin, lalo na yaong mga nangungunyapit sa puwesto; hindi natitigatig kahit na sila ay mistulang isinusuka ng taumbayan. Kahit na sila ay nakukulapulan ng mga pagtuligsa dahil sa maaring pagkakasangkot nila sa mga alingasngas. At malimit imatuwid ng mga appointee: We serve at the pleasure of the President.
Hindi na dapat panghimasukan ang naging batayan ng Pangulo sa pagkakahirang kay Sinas. Sapat na ang pahiwatig ng Malacañang na ang bagong PNP Chief ay gumanap ng makabuluhang tungkulin sa Duterte administration sa pagpuksa ng illegal drugs at sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa iba’t ibang lugar sa kapuluan na minsan niyang nasakupan.
Ngunit hindi rin naman malilimutan ang mga alegasyon na si Sinas ay nalihis sa pagtupad ng huwarang tungkulin. Hindi ba siya ay binansagang Mañanita General nang siya ay magdaos ng kanyang kaarawan? Hindi ba ang gayong selebrasyon ay isang paglabag sa mahigpit na health protocol dahil sa pagbale-wala sa social distancing? Sa halip na siya ang manguna sa implementasyon ng naturang kautusan, siya pa ang mistulang pasimuno sa pagsuway nito.
May mga alegasyon din na hindi pinag-ukulan ni Sinas ng pangunahing pansin o prayoridad ang paglutas sa malalaking krimen na naganap sa National Capital Region (NCR) nang siya pa ang namumuno rito. Naalala ko ang malagim na pag-ambush sa mataas na opisyal ng isang ospital sa Mandaluyong, at iba pang krimen na nangangailangan ng police action.
Sa harap ng gayong mga pagkukulang sa angkop na paglilingkod, natitiyak ko na si Sinas ay makababawi, wika nga. Hndi lamang niya dapat tularan kundi malampasan pa ang makatuturang serbisyo ng kanyang hinalinhang PNP Chief na si General Camilo Cascolan.
Marapat pag-ibayuhin ngayon ni Sinas ang puspusang paglilinis sa kanyang mahigit na 200,00 police force; paglipol sa tinatawag na bad eggs, lalo na yaong nadawit sa iba’t ibang katiwalian at krimen. Paigtingin na rin ang mga kampanya laban sa mga bawal na droga na pinakikilos umano ng mga ninja cops, at iba pa.
Sa gayon, maaring mapawi ang anino ng mga pag-aalinlangan na nakalambong sa pagkakatalaga sa kanya bilang PNP Chief.
-Celo Lagmay