Sa muling pagpapahintulot sa mga motorcycle-taxi na pumasada sa mga lansangan sa Metro Manila at maging sa iba’t ibang sulok ng kapuluan, hindi naiwasang lumutang ang nakakikilabot na hudyat: Ang naturang mga sasakyang pampasahero ay mapagkakamalang riding-in-tandem (RIT) -- mga kriminal na malimit maghasik ng panganib sa mga lansangan at sa ating mga kababayan. Ang pagbabalik ng naturang mga sasakyan, tulad ng Angkas, Joyride at Move It ay inaprobahan kamakailan ng Inter-Agency Task Force on the Management of the Emerging Infectious Diseases (IATF-MEID) matapos maglatag ng mga patakaran sa maayos na implementasyon ng mahigpit na health protocol laban sa nakahahawang coronavirus.
Hindi maiaalis ang pangamba ng sambayanan sa muling pagpapahintulot makabiyahe ng nabanggit na mga sasakyang pampasaherro. Mismong si Pangulng Duterte ang nagpahayag ng ganitong agam-agam na nagbunsod sa kanya upang iutos ang pagpapalakas sa puwersa ng mga alagad ng batas, lalo na ng pulis at sundalo laban sa panganib na riding-in-tandem (RIT). Nais ng Pangulo na tapatan ang naturang grupo ng mga kriminal na basta na lamang pumapatay.
Maraming pagkakataon na ang RIT ay sinasabing ginagamit ng ilang makapangyarihang pulitiko at malalaking negosyante bilang mga hired-killers. Hindi ba kamakailan lamang, isang opisyal ng ospital ang hindi pinaligtasng RIT? Bukod pa rito ang iba pang ehekutibo na hindi malayong inginuso lamang ng nagkakairingang mga grupo na may kanya-kanyang masasakim na interes. Nakalulungkot na idinadamay pa ang ilang kababayan natin na wala namang kamuwang-muwang sa masasalimuot na takbo ng pamumuhay sa mga komunidad.
Sa kabilang dako, nais kong bigyang-diin na ang nasabing mga sasakyang pampasahero -- lalo na ang mga lehitimong Angkas, Joyride at Move It -- ay nagkakaloob ng makabuluhang serbisyo sa sambayanan. Pinatutunayan ng personal na obserbasyon na mismong mga kapatid natin sa pamamahayag, kabilang ang naging mga kawani -- ang sumasakay sa nasabing mga sasakyan upang mabilis na makarating sa kani-kanilang mga opisina at iba pang patutunguhan; mabilis na makalusot ang mga ito, lalo na kung masyadong masikip ang trapik.
Gayunman, hindi marahil isang kalabisan kung ang ating mga kapatid sa motorcycle-taxi ay isasailalim sa masusing pagsusuri o background check. Sa gayon, mapapawi kahit paano ang mga agam-agam na ang gayong mga sasakyan ay may anino ng RIT. At ang kanilang mga pasahero ay ligtas at kampanteng makararating sa kanilang paroroonan.
Isa pa, marapat ding tiyak ng mga tsuper ang pagtalima sa mga quarantine protocol upang maiwasang mahawa at makapanghawa ng nakamamatay na mikrobyo. Kaakibat ito ng pagsunod din ng mga pasahero sa nabanggit na mga kautusan.
Anupa’t marapat lamang timbangin ang kahalagahan at nagkukubling panganib sa pagpapatupad ng utos ng IATF-MEIDsa lahat ng pagkakataon.
-Celo Lagmay