PALIBHASA’Y hindi miminsang nasayaran ng benepisyo mula sa Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), kabilang ako sa mga tumututol sa pagbuwag at pagsasapribado ng naturang ahensiya ng pamahalaan. Ito, bukod pa sa iba pang tanggapang pangkawanggawa ng administrasyon na laging sumasaklolo sa ating mga kababayan na malimit isugod sa mga ospital dahil sa iba’t ibang karamdaman; lalo na ngayon na hindi nababawasan, at lalo pa yatang dumadami ang dinadapuan ng nakamamatay na COVID-19.
Kamakailan, sa tindi marahil ng panggagalaiti ni Pangulong Duterte sa talamak na pandarambong sa pondo ng PhilHealth, tandisan niyang ipinahiwatig ang abolition at privatization ng naturang ahensiya. Ang nabanggit na plano ay natitiyak kong hindi lamang ipinagkibit-balikat kundi inalmahan pa ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, lalo na nga ng katulad naming nakatatandang mga mamamayan na laging umaasa sa lehitimong pag-ayuda ng nasabing tanggapan. Ang mga pagtutol at pag-alma ay nakaangkla sa isang matandang kawikaan: Kung isang bahagi lamang ng kabahayan ang pinamumugaran ng mga salot na daga na walang pangalawa sa katakawan, bakit susunugin ang buong bahay? Ibig sabihin, hindi dapat madamay sa kasuklam-suklam na katiwalian ang matatapat at matitino na lingkod ng bayan.
Hindi maiaalis na magpuyos sa galit ang Pangulo, lalo na nga kung iisipin na bilyun-bilyong piso ang sinasabing kinulimbat ng matataas na opisyal ng PhilHealth; mga opisyal na tinaguriang Mafia na nagsabwatan sa mistulang pagsaid sa salapi ng mga taxpayers. Sapat nang lipulin ang mga gahaman at mapagsamantala sa kapangyarihan na matinding balakid sa paglkha ng Pangulo ng isang malinis at matatag na gobyerno.
Ang misyong ito ang nakaatang ngayon sa mga balikat ni dating NBI Director Dante Gierran -- isang Abugado at Certified Public Accountant (CPA) na itinalaga ng Pangulo bilang bagong Presidente at Chief Executive Officer (CEO) ng PhilHealth. Sa pagsisimula pa lamang ng kanyang panunungkulan, nagpahayag na ng pag-asa at pagtitiwala ang sambayanan na mapupuksa ang mga salot sa naturang ahensiya. Katunayan, tahasan nyang ipinahiwatig na malilinis niya sa mga alingasngas ang isang tanggapan na matagal na palang pinamumugaran ng mapanganib na Mafia.
Ang gayong pagsisikap at matatag na determinasyon na linisin ang isang corrupt agency ay pinaniniwalaan kong alternatibo laban sa pagbuwag at pagsasapribado ng PhilHealth. Lalo pa nga at hindi pa natatagalang inatasan ni Gierran na magharap ng courtesy resignation ang matataas na opisyal nito, lalo na ang sinasabing kasangkot sa mga kabulukan sa naturang tanggapan. Sapat nang maitiwalag ang mga dapat itiwalag sa tungkulin upang mapigilan, kahit paano, ang ganap na pagkaubos ng limpak-limpak na pondo na nakaukol sa ating mga kababayan na walang magamit na salapi sa pagpapaospital.
Nasa positibong resulta ng imbestigasyon ni Gierran, samakatuwid, ang magiging kapalaran ng PhilHealth laban sa pagkadismaya at panggagalaiti ng Pangulo. Ang abolition at privatization ng ahensiya ay lalong magpapabigat sa pasanin ng mga umaasa sa pagsaklolo ng nasabing tanggapan.
-Celo Lagmay