NAKATAKDANG magpalit ng liderato ang Kamara nitong darating na Nobyembre kung masusunod o susundin ang term-sharing agreement sa pagitan ni Speaker Alan Cayetano at Cong. Lord Velasco ng Marinduque. Kaya kasalukuyang Speaker si Cayetano dahil, ayon sa kasunduan, siya muna ang manunungkulan sa loob ng 15 buwan mula HUlyo 2019 hanggang sa katapusan ng Oktubre 2020. Si Cong. Velasco na ang papalit sa kanya sa nalalabing 21 buwan ng administrasyong Duterte, o hanggang sa katapusan ng Hunyo 2022. Si Pangulong Duterte ang namagitan kaya nabuo ang kasunduan at tinawag pa niya itong “gentlemen’s agreement”. Mukhang hindi ganito ang kalalabasan ng kasunduan ngayong napipinto na itong magkabisa. Kasi, sa ginawa niyang babala sa kampo ni Cong. Velasco, ganito ang sinabi ni Cayetano: “Basta ipakita ninyo na hindi na ako gusto ng mayorya, magiging mahinahon ang pagpapalit.” Ang mayoryang tinutukoy niya ay ang nakararaming miyembro ng Kamara. Ayon naman kay Deputy Speaker Luis Raymond Villafuerte, ang supermajority sa kanila ay gustong manatiling Speaker si Cayetano sa kabila ng term-sharing agreement nila ni Velasco. Sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque nitong Martes, gusto ng Pangulo na igalang ng magkatunggali ang term-sharing agreement, pero wala siyang magagawa kung hindi sinusuportahan si Velasco ng mayoryang miyembro ng Mababang Kapulungan.
Ang pagkakapit-tuko sa pwesto ay mahirap tibagin sa pagnanais ni Cayetano. Una, pinuhunanan niya ito bukod sa salapi at pagod, ay kapal ng mukha. Tumakbo siyang pangalawang pangulo ni Pangulong igong at nang siya ay matalo, tumakbo siyang Kongresista. Labag sa batas at kahiya-hiya ang kanyang ginawa. Sa kanilang distritong magasawa, ang maybahay niyang si Lani Cayetano ang kandidato sa pagka-kongresista. Dahil ayaw niyang paatrasin ito, o kaya, gusto niyang makontrol ang buong Taguig, sa ikalawang distrito siya tumakbo. Pinalabas niyang naririto ang kanyang residence at magkahiwalay sila ng tirahang magasawa. Mahirap gawin ito ng isang taong may kahihiyan sa sarili.
Ikalawa, sisinghap-singhap na lang siya sa pagnanasa niyang manatilinng nakalutang sa pulitika. Mahirap itong pagkatiwalaan. Laban siya sa lahat ng magiging sagwil sa kanyang pansariling layunin. Kaya, kung aasa lang si Velasco sa kanyang sariling lakas, o maging sa lakas ng kanyang ama na si retired Supreme Court Justice, ngayon ay gobernador ng Marinduque Preterbo Velasco, mahihirapan siyang mapasunod si Cayetano sa kanilang napagkasunduang term-sharing. Marahil, ngayon napagtanto ni Cong. Velasco ang kanyang pagkakamali na pinauna niya si Cayetano na maging Speaker. Nagamit nito ang posisyon para mapalakas niya ang kanyang sarili sa kanilang mga kapwa mambabatas at maging sa Pangulo. Isa sa nagpalakas kay Cayetano sa Pangulo ay iyong pagtupad niya sa layunin nito na pagkaitan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN. Ang nalalabing magagawa ni Velasco, katulong ang kanyang ama, ay pakiusapan ang Pangulo na pasunurin si Cayetano sa kasunduan. Hindi nito masusuway ang Pangulo dahil siya mismo ang magpapasunod sa mga mambabatas kapag nagmatigas siya. Kapag nabigo ang mga Velasco at hinayaan na lang ng Pangulo si Cayetano na manatiling Speaker, sina Cayetano at Pangulong Duterte ang nagtalusira sa kanyang tinawag na “gentlemen’s agreement”. Nakalimutan na ng Pangulo ang itinulong ni dating Justice Velasco sa mga kaso nito ng ito ay nasa Korte Suprema pa.
-Ric Valmonte