Kung si dating House Speaker Pantaleon Alvarez ng Davao del Norte ang paniniwalaan, isang malaking kabiguan ang pagtugon at pangangasiwa ng administrasyon sa COVID-19 pandemic.
Sa kanyang local radio program sa Davao del Norte, sinabi ni Alvarez na mas nais niya na ang susunod na Pangulo ay hindi lang basta matapang kundi dapat ay may “utak” din. Wala siyang sinabi kung sino ito o pinatutungkulan.
“Una, dapat pumili tayo ng Presidente na marunong mag-handle ng COVID-19. Yung presidente na may utak, ‘di lang purong tapang,” pahayag ni Alvarez sa wikang Bisaya.
Ang programa sa radyo ni Alvarez ay inere noong Agosto 28. Sina Alvarez at Duterte ay kapwa abogado ang matagal nang magkaibigan. Gayunman, nagkalamat ang kanilang relasyon nang siya’y patalsikin bilang Speaker noong 2018 at pinalitan ni Gloria Macapagal-Arroyo.
“Let’s admit it. The handling of the COVID-19 pandemic in the entire Philippines is a failure. So there’s a problem, something is wrong in handling the problem,” ani Alvarez.
Tinalakay din niya ang problema sa West Philippine Sea.
“There are about 200 American battleships in the Pacific. We will be caught in this conflict because we are near China. The President must be capable of handling the situation. He must have balls. The President must have a clear stance,” anang dating Speaker.
-Bert de Guzman