SA mga inilatag na programa ni Director General Camilo Cascolan ng Philippine National Police (PNP), kabilang ako sa mga gustong maniwala na ang naturang organisasyon ng pulisya ay ganap nang malilinis sa mga tinatawag na mga scalawag o bad eggs; ang grupong ito ng mga alagad ng batas ang laging nagbibigay-dungis sa dangal ng PNP hindi lamang ngayon kundi maging ng nakalipas na mga pamunuan nito.
Kasabay nito ang sinasabing matinding paglulunsad ng bagong PNP Chief ng Oplan High Value Target laban sa mga pasimuno sa illegal drugs. Sinasabi na ang grupong ito ang utak ng pamamahagi ng bilyun-bilyong pisong halaga ng shabu na umano’y mula sa ibang bansa na nakalusot sa Bureau of Customs at maaring sa iba pang puwerto o daungan sa bansa. Ito rin marahil ang bahagi ng droga na ibinebenta ng tinatawag na mga ninja cops sa mga sugapa o adik kaugnay ng Oplan Tokhang; operasyon ito na malimit maging eksena ng umano’y extra judicial killings.
Ang ganitong mga pagsisikap ay bahagi ng mga tagubilin ng Duterte administration sa hangarin nitong mapuksa ang naturang masamang bisyo na sumira hindi lamang sa buhay ng mga kabataan kundi ng mismong taumbayan. Bahagi ito ng adhikain ng pangasiwaan kaugnay ng paglikha ng isang drug-free Philippines tungo sa pagkakaroon ng malinis at matatag na bansa.
Sa biglaang tingin, tila imposibleng maisakatuparan ng bagong PNP Chief ang nilatag niyang mga programa, lalo na kung isasaalang-alang na dalawang buwan lamang siyang manunungkulan sa puwesto; lalo na kung iisipin ang iba pang inilatag niyang mga programa na natitiyak kong mangangailangan ng mahabang panahon at puspusang preparasyon upang matagumpay na maipatupad. Kabilang dito ang pagkikintal ng tunay na diwa ng disipilina na madalas maging mailap sa 200,000 police force. Hanggang ngayon, hindi kaila sa sambayanan na ang katakut-takot na mga paglabag ng ating mga alagad ng batas sa mga alituntunin na marapat sundin at igalang ng tinatawag na men and women in uniforms.
Totoo na masyadong maikli ang panahon para sa matagumpay na implementasyon ng inilatag na mga programa ng bagong PNP Chief. Subalit kung maipakikita niya ang walang bahid-dungis na pamamahala -- tulad ng nasaksihan nating nakadidismayang mga pangyayari noong nakalipas na mga pamunuan -- wala akong makitang dahilan upang hindi palawigin ng Duterte administration ang kanyang panunungkulan. Hindi dapat mabigo ang ating mga kababayan.
-Celo Lagmay