Dahil sa maintenance works o isasagawang mga pagkukumpuni ay inaasahang makararanas ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ngayong linggo ang ilang lugar sa Luzon, na pinagsisilbihan ng Manila Electric Co. (Meralco).
Sa inilabas na maintenance schedule ng Meralco, isasagawa ang maintenance works mula Setyembre 14 hanggang sa Setyembre 20, at kabilang sa mga lugar na maaapektuhan nito ay ilang lungsod ng Metro Manila, at mga lalawigan ng Bulacan, Rizal, Batangas, Cavite at Laguna.
Sa Setyembre 14, apektado ang ilang lugar sa Bocaue, Bulacan dahil sa paglilipat ng mga pasilidad na apektado ng DPWH bridge widening project sa Barangay Bambang habang sa Setyembre 16 naman, apektado ang bahagi ng Fort Bonifacio, Taguig City dahil sa paglalagay ng mga bagong pasilidad sa Bonifacio Global City (BGC).
Sa Setyembre 16 hanggang 17 naman, apektado ang ilang bahagi ng Quezon City dahil sa paglilipat ng mga pasilidad na apektado ng DPWH road widening project sa Quezon Avenue sa Barangay Paligsahan.
Sa Setyembre 17 naman, inaasahang makakaranas ng pansamantalang pagkawala ng suplay ng kuryente ang Taytay, Rizal dahil sa line reconductoring works sa Taytay Diversion Road (Manila East Road) sa Barangay Dolores.
Sa Setyembre 17 at 18 naman ay apektado ang Batangas City sa Batangas, pag-install ng poste at pagpalit ng mga pasilidad sa Pres. Jose P. Laurel Highway at Hilltop Road sa Barangay Kumintang Ibaba; gayundin ang Parañaque City at Pasay City dahil sa line reconductoring works at pagpalit ng mga poste sa C-5 Road Extension sa mga barangay ng Merville at Santo Niño.
Sa Setyembre 19 naman, apektado ang Bocaue, Bulacan dahil sa reconstruction at reconductoring works ng mga pangunahing linya sa MacArthur Highway sa Barangay Biñang 2nd; at ang Imus City, Cavite dahil sa line conversion works sa Emilio Aguinaldo Highway sa Barangay Anabu II-F.
Sa Setyembre 20 naman, apektado ang San Ildefonso, Bulacan dahil sa preventive maintenance at testing works sa loob ng Meralco – San Miguel substation; gayundin ang Calamba City at Los Baños sa Laguna at Sto. Tomas, Batangas dahil sa pag-upgrade ng pasilidad sa NGCP sa NGCP Bay - Calamba 69kV transmission lines.
Humihingi naman ang Meralco ng paumanhin sa kanilang mga kostumer na apektado ng kanilang mga pagkukumpuni at tiniyak na layunin nitong mapaghusay pa ang serbisyong ipinagkakaloob nila sa mga mamamayan.
-Mary Ann Santiago