SA ating walang katapusang pagpupugay sa kabayanihan ng mga healthcare frontliners, nais kong bigyang-diin na hindi ito isang pagmaliit sa kagitingan ng ating mga dakilang ninuno noong nakaraang mga digmaan. Katunayan, minsan pa nating gugunitain ang kanilang katapangan sa pagdiriwang sa makalawa o sa Lunes ng National Heroes’ Day; minsan pa nating iwawagayway ang mga bandilang Pilipino na simbolo ng katapangan ng ating mga war heroes sa pagtatanggol ng ating kasarinlan.
Totoo, hindi natin malilimutan at talagang hindi dapat ipagwalang-bahala -- ang ibinuwis na dugo at buhay ng ating mga bayani sa pakikipagdigmaan sa mga dayuhang mananakop. Tapang at matatag na determinasyon ang kanilang makapangyarihang mga sandata na may kaakibat na pagpapamalas ng tunay na pagkakapatiran. Nakalulungkot nga lamang na -- tulad ng isinasaad sa ating mga kasaysayan -- naganap ang malalagim na eksena na tinampukan ng pag-aagawan ng kapangyarihan. Hindi ba ang ganitong nakapanlulumong mga pangyayari ay humantong sa sinasabing mahiwagang kamatayan ng ilang bayani ng ating lahi?
Kaugnay nito, bagama’t hindi maaaring ihambing sa magigiting na bayani ng ating lahi na nakipagdigmaan upang matamo ang ating kalayaan, naniniwala ako sa pagiging buhay at makabagong bayani ng ating mga healthcare frontliners na nangangalaga sa kalusugan ng ating mga kababayan, lalo na nga ng mga dinapuan ng nakamamatay na COVID-19. Totoo na wala silang bitbit na mga armas, subalit taglay naman nila ang tapang at matatag na determinasyon na hanguin sa matinding karamdaman ang mga pasyente sa iba’t ibang ospital. Sila -- ang mga doktor, narses, medtech at lahat ng katuwang sa medical mission -- ay sumusuong din sa hindi-birong panganib upang tumupad sa kanilang makataong misyon.
Sa kanilang pagtupad sa kanilang makabuluhang tungkulin, nakalulungkot mabatid ang kamatayan ng ilang doktor na hindi pinaligtas ng nakakikilabot na coronavirus. Sa kabila nito, ang kanyang mga kalahi ay hindi natitigatig sa pag-aagapay sa mga pasyente; hindi alintana ang anumang panganib sa hangaring makapagpagaling at makapagligtas ng buhay.
Sa kabilang dako, hindi na natin mapag-aalinlanganan ang pagiging buhay at makabago ring bayani ng ating mga Overseas Filipino Workers (OFWs). Wala rin silang bitbit na mga sandata, subalit taglay nila ang matinding hangaring kumita para sa kanilang pamilya at sa kanilang mga mahal sa buhay. Dangan nga lamang at ang ganitong hangarin ng OFWs ay naudlot dahil nga sa pamiminsala ng pandemya.
Magugunita na nang nakalipas na mga taon, kinilala hindi lamang ng gobyerno kundi ng mismong mga kababayan natin ang kabayanihan ng ating mga kapatid na OFWs. Ang bilyun-bilyong dolyar na ipinadadala nila sa ating bansa ay nakatulong nang malaki sa pagpapaangat sa nakalugmok na pambansang ekonomiya; nakapagpahupa sa unemployment problem ng administrasyon.
Sa harap ng gayong kabayanihan, kagitingan at kadakilaan ng ating mga bayani, hindi ba dapat silang pag-ukulan ng walang pagkukunwari at makabuluhang pagpupugay?
-Celo Lagmay