MAKUKUHA na muli na buo ang sahod ng Filipino athletes at coaches.
Magiging buo na uli ang monthly salary ng mga pambansang atleta at coach na tinapyasan nang kalahati dahil sa impact ng COVID-19 pandemic sa sandaling ang House Bill No. 6953 o Bayanihan 2 Bill ay maging isang ganap na batas.
Sinabi ni Tagaytay City (Cavite) Rep. “Abraham” Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC), na isiningit niya sa Bayanihan 2 o Recover As One Act, ang isang probisyon na naglalaan ng P180 milyon para pondohan ang allowances o stipends ng mga miyembro ng Philippine Team hanggang Disyembre 2020.
Bilang bonus aniya, tatanggap pa sila ng extra P5,000 upang makatulong sa kanila ngayong may krisis sa kalusugan.
Ang P180M para sa Filipino athletes at coaches ay bahagi ng P162 billion economic stimulus fund na ipinasa ng Kamara sa pangatlo at pinal na pagbasa nitong nakaraang araw.
"Sa tulong ni Speaker Alan Peter Cayetano, aprubado na ito sa Kamara sa ilalim ng Section 7 Paragraph R. Kasama rito ang P5,000 additional COVID-19 assistance para sa mga atleta," ayon kay Tolentino.
Kinausap na umano niya si Senate President Tito Sotto upang ang probisyon sa P180 milyon ay hindi tanggalin sa bicameral conference committee.
“We will now wait for the approval with the Senate in the scheduled bicameral meeting."
Tinupad ni Tolentino ang pangako na magla-lobby siya para maibalik ang allowances ng Pinoy national athletes at coaches matapos ipasiya ng Philippine Sports Commission (PSC) na bawasan ng kalahati ang sahod bunsod ng lumiit na subsidy mula sa Philippine Amusement and Games Corporation (Pagcor) dahil sa Covid-19 pandemic. Bert de Guzman