Maaaring italaga ang Armed Forces of the Philippines (AFP) para magpatupad ng quarantine measures sakaling magkaroon ng “runaway contagion” sa bansa, sinabi ni President Rodrigo Duterte nitong Lunes ng gabi.

Habang patuloy na tumaas ang mga kaso ng coronavirus, sinabi ng Pangulo na maaaring dagdagan ng militar ang puwersa ng pulisya na ayon sa kanya ay “cannot be everywhere and anywhere all the time.”

“The military is not part of the governance yet in the matter of using force or at least intimidating you with soldiers. Far from it. We do not have that plan,” wika ni Duterte sa kanyang televised address nitong Lunes ng gabi.

“Kapag hindi talaga madala and it’s a runaway contagion, mapipilitan ako maggamit ng military kasi talagang kulang ang pulis,” aniya.

Muli ring umapela ang Pangulo sa publiko na sundin ang mga protocol sa kalusugan na ipinatupad upang limitahan ang pagkalat ng sakit na coronavirus.

National

SILG Remulla, nakipag-areglo na sa lalaking hubad na natiketan sa Mandaluyong

“Ngayon, kung nandyan ang military to enforce you to obey itong community lockdown, sumunod kayo dahil para sa inyo ‘yan,” aniya.

Nitong Lunes, naitala ng Pilipinas ang nag-iisang pinakamalaking pagsulong sa mga kaso ng coronavirus na may 6,958 bagong mga impeksyon na nagtulak sa kabuuan sa 136,638. Umabot naman sa 2,293 ang pagkamatay sa bansa.

Ang halos kabuuan ng bansa ay nasa ilalim ng mas maluwag na antas ng community quarantine upang payagan ang unti-unting pagbubukas muli ng ekonomiya.

Habang ang Metro Manila at apat na kalapit na lalawigan ay bumalik sa modified enhanced community quarantine (MECQ) mula Agosto 4 hanggang 18 kasunod ng apela mula sa medical community para sa timeout. Ang mga frontliner sa kalusugan ay nananawagan para sa mas mahihigpit na mga hakbang upang mapigilan ang pagtaas sa mga kaso ng COVID at maiwasan ang pagbagsak ng sistema ng pangangalaga sa kalusugan.

Hinihiling naman ng ilang grupo na palawigin ang MECQ upang epektibong makontrol ang outbreak. Gayunman, sinabi ng Palasyo na nakasalalay sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang pagpapasya sa usaping ito.

Sinabi ni Duterte na nais man niyang pagbigyan ang kahilingan ng medical community na ipagpatuloy ang lockdown, hindi na sapat ang pondo ng gobyerno upang mapanatili ang subsidiya para sa mga apektadong pamilya. Sinabi niya na dapat payagan ang mga tao na ipagpatuloy ang kanilang kabuhayan.

-GENALYN D. KABILING