Binalaan kahapon ng Food and Drug Administration (FDA) ang mga healthcare professionals at ang publiko laban sa pagbili at paggamit ng mga ‘misbranded’ na face mask product, na mabili at kumakalat ngayon sa merkado, bunsod na rin nang patuloy na banta ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa isang paabiso, na pirmado ni FDA Director General at Health Undersecretary Eric Domingo, kabilang sa mga naturang misbranded na face masks ay ang Fu Le Bang Disposable Mask, Flag World Face Mask, at MAsk, dahil ang mga instructions sa packaging nito ay pawang nakasulat sa dayuhang lengguwahe.
Anang FDA, alinsunod sa Republic Act 3720 o Food, Drug and Cosmetic Act, maituturing na misbranded ang produkto kapag ang mga impormasyong nakasaad dito ay ginamitan ng salita o disenyo na hindi mababasa o mauunawaan ng isang ordinaryong indibidwal.
Nilinaw ng FDA na ang paggawa, importasyon, eksportasyon, pagbebenta, pag-aalok para ibenta, distribusyon, transfer, non-consumer use, promosyon, advertising, o pag-sponsor ng mga naturang produkto ay mahigpit ring ipinagbabawal sa ilalim ng batas.
Inatasan din naman nito ang kanilang Regional Field Offices at Regulatory Enforcement Units na tiyaking hindi maipagbibili sa merkado ang mga naturang produkto at hinikayat ang Bureau of Customs (BOC) na pigilan ang pagpasok ng mga naturang produkto sa bansa.
Kaugnay nito, binigyang-diin ni Domingo na tanging lengguwaheng English at Filipino lamang ang pinapayagan na ilagay sa label ng mga produktong ipinagbibili sa bansa.
Matatandaang mabili ngayon sa bansa ang mga face masks matapos na obligahin ng pamahalaan ang mga mamamayan na magsuot nito sa paglabas ng kanilang tahanan upang mapigilan ang pagkalat ng COVID-19.
-Mary Ann Santiago