Sa gitna ng tila hindi humuhupang banta na COVID-19, nagkukumagkag pa rin ang ating mga dalubhasang medical researchers at mga siyentipiko sa pagtuklas ng bakuna at gamot laban sa naturang nakamamatay na mikrobyo. Natitiyak ko na ganito rin ang tindi ng pananaliksik ng mga henyo sa medisina sa iba’t ibang bansa na sinasalanta ng pandemya. Mistula silang nag-uunahan at nagpapaligsahan sa paghahanap ng lunas sa pagpuksa ng naturang coronavirus na kumitil na ng maraming buhay.
Magugunita na mismong si Pangulong Duterte ang naglaan ng limpak-limpak na salaping pabuya sa sinumang mananaliksik sa larangan ng medisina na makatutuklas ng epektibong panlaban sa nasabing sakit. Kamakailan, nahiwatigan ko sa Pangulo na may natuklasan nang bakuna laban sa coronavirus. Bagamat hindi maliwanag kung sino at kung saang bansa, tahasan niyang sinabi na bibilhin niya ang mga gamot upang ipamahagi sa ating mga kababayan.
Gayunman, walang humpay ang ating mga medical researchers sa pagtuklas ng anti-COVID vaccine, kaakibat ng wala ring humpay na pagsuporta ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno. Pinangungunahan ito ng Department of Science and Technology (DOST), sa pag-aagapay ng Department of Health (DOH), Department of Agriculture (DA), at iba pa. Isinailalim sa clinical trial ang iba’t ibang produkto at herbal drugs na inaakalang mabisang elemento laban sa kinatatakutan nating COVID-19.
Napag-alaman ko na ang DOST ay nangunguna sa pagpapausad ng mga clinical trial upang matiyak na ang virgin coconut oil (VCO), halimbawa, ay mabisang pamuksa sa naturang nakakikilabot na coronavirus. Matagal-tagal na rin itong sinubukang ipainom sa mga dinapuan ng nasabing sakit na ginagamot sa iba’t ibang ospital. Inaalam pa kung ito ay tumalab sa mga may sakit at kung ito nga ay nakapagpapalakas ng pangangatawan o immune system na epektibong panlaban sa mga karamdaman.
Pinatutunayan ng mga pananaliksik na ang VCO ay nagtataglay ng mabisang katangian na tuald ng anti-viral, anti-bacterial at anti-fungal. Lumilitaw na ang lauric acid na taglay nito ay nakatutulong sa paglaban sa coronavirus.
Ito ang dahilan kung bakit ang DA -- sa pamamagitan ng Philippine Coconut Authority (PCA) -- ay nakipagtuwang sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan at sa pribadong sektor upang pag-aralan ang nakapagpapagaling na kalidad ng VCO para sa mga pasyente ng COVID-19.
Nakalulugod namang mabatid na ang PCA ay magkakaloob sa mga research groups ng quality VCO na dumaan sa pinakamahigpit na laboratory analysis upang matiyak ang tagumpay ng isinasagawang pagsusuri at pananaliksik sa paghahanap ng gamot at bakuna laban sa COVID-19.
Sa ganitong magkakasanib na pagsisikap o collective efforts, naniniwala ako na hindi lamang ang mga COVID-19 victims ang matutulungan kundi maging ang ating mga coconut farmers na nagtatanim ng niyog na pinagkukunan ng quality VCO na pinaniniwalaang mabisang pamuksa ng itinuturing na traidor na mikrobyo.
-Celo Lagmay