DAHIL sa pagdami ng mga iginugupo ng salot na COVID-19 sa New Bilibid Prison (NBP) -- at maaaring sa iba pang bilangguan at detention cell sa ating bansa -- marapat lamang na lalong pabilisin ngayon ang pagpapalaya sa mga preso na itinuturing na ‘persons deprived of liberty’ (PDL). Ibig sabihin, kailangang lumuwag ang mga bilangguan upang maiwasang mahawa at makapanghawa ang mga bilanggo na masyado na ang pagsisiksikan sa mga selda. Bunga nito, hindi nababawasan kundi lalo pang lumulobo ang ating mga kababayang dinadapuan ng mikrobyo na ikinamamatay ng ilan sa kanila.
Sa aking pagkakatanda, matagal nang iniutos ng Korte Suprema ang pagpapalaya sa mga PDL na kinabibilangan ng matatanda at sakitin nang mga preso, bukod pa sa mga buntis at mga nagtataglay ng maseselang karamdaman. Makauuwi sila upang magpagaling at makapagpahinga sa kani-kanilang mga tahanan sa piling ng kanilang mga mahal sa buhay. Dapat lamang silang regular na mag-report sa kanilang selda kung kakailanganin. Kabilang din dito ang mga bilanggo na hindi gaanong mabigat ang mga asunto na hindi pa nalilitis subalit matagal nang nananatili sa piitan.
Ang Department of the Interior and Local Government (DILG), kung sabagay, ay nakapagpalaya na ng mahigit sa 20,000 PDL bilang pagtalima sa utos ng hukuman. Naniniwala ako na ito ay bunsod hindi lamang ng kanilang hangaring lumuwag ang mga bilangguan kundi upang ipamalas ang kanilang pagmamalasakit sa ating mga kababayang inagawan ng kalayaan.
Magugunita na daan-daan na ring mga preso ang nakalaya sa ilalim ng patakarang good conduct time allowance (GCTA). Nangangahulugan na ang mga bilanggo na nakapagpamalas ng mabuting pag-uugali at maayos na pagkilos ay ipinagkalooban ng pansamantalang kalayaan upang makapamuhay sa piling ng kanilang pamilya. Gayunman, marapat na sila ay laging nakahandang makipag-ugnayan sa prison officials.
Nais kong bigyang-diin na sa pagtalakay sa naturang isyu, hindi ko sasalangin ang sinasabing masalimuot na pangyayari kaugnay ng pagkamatay ng mga high-profile inmates sa NBP na umano’y biktima ng nakakikilabot na coronavirus. Sapat nang mahiwatigan natin ang mga haka-haka hinggil sa sinasabing nakapgdududang cremation o pagsunog sa bangkay ng nasabing mga bilanggo -- mga preso na umano’y kasangkot sa milyun-milyong pisong bawal na droga.
Sa pagpapalaya sa mga PDL, natitiyak ko na malaki ang iluluwag ng mga bilangguan at lalong malaki ang maitutulong nito sa ating paglaban sa nakamamatay na COVID-19. Higit sa lahat di masasabi ng ating mga kapatid na bilanggo na talaga namang dapat pagmalasakitan na hindi sila inagawan ng kalayaan.
-Celo Lagmay