SINABI ni Cavite Rep. Abraham “Bambol” Tolentino, pangulo ng Philippine Olympic Committee (POC), na isasapinal nito ang mahahalagang pagsusog na ipinapanukala, kabilang ang pagbabawal sa paghawak ng dalawang National Sports Association (NSA).

Ayon kay Tolentino, tatalakayin din ang proposal na alisin sa pagiging miyembro ang isang NSA na hindi kinikilala ng International Federation (IF), at pagbawalan ang mga opisyal na mahigit sa 70 anyos na kumandidato para sa isang elective NSA position, katulad ng alituntunin na ipinaiiral ng International Olympic Committee (IOC).

Aniya, tatalakayin nila ang report ng Committee on Constitutional Amendments kasama na ang iba pang ulat sa susunod na linggo. Si Tolentino ay pangulo rin ng PhilCycling.

Inaasahang mag-uulat si Ricky Vargas, pinuno ng committee on constitutional amendments, upang pagtitibayin ang lahat ng pagbabago sa mga regulasyon bago magdaos ng halalan ang POC sa pagtatapos ng 2020.

Carlos Yulo, flinex luxury car sa bakasyon nila ni Chloe

“It will depend on the result of the meeting of the Executive Board,” ani Tolentino.

Batay sa ibang panukala, ang pagkilala ng IF ay kailangan para sa NSA upang makuha ang recognition ng POC.

Hinimok din ng kongresista ng Cavite ang elder statesmen ng POC na iwasan ang pag-target sa ano mang NSA position, at pagbigyan ang nakababatang mga opisyal sa halalan.

Kapag ang susog ay naaprubahan, ilang NSA chiefs ang ineligible o hindi na puwedeng tumakbo pa sa darating na eleksiyon ng POC.

Samantala, kinuwesityon ni Jose Romasanta, na nagsilbi bilang POC first vice president, ang naturang mga susog hinggil sa edad ng sports officials, at nagpahiwatig pang may kulay-pulitika ito o may kinalaman sa idaraos na POC elections. Sinabi ni Romasanta, 75, na wala na siyang plano na tumakbo sa anumang posisyon sa POC.

-Bert de Guzman