Tiwala si Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Governor Benjamin Diokno, na higit pang lalago ang electronic payment sa bansa matapos makita ng mga consumer ang benepisyo nito sa gitna ng lockdown dulot ng krisis pangkalusugan na coronavirus disease 2019 (Covid-19).

Sa isang virtual briefing nitong Huwebes, sinabi ni Diokno na ikinokonsidera ng mga awtoridad na tagumpay ang paglago ng e-payments sa gitna ng pagpapatupad ng enhanced community quarantine (ECQ) mula noong kalagitnaan ng Marso sa Luzon hanggang nitong Mayo sa Metro Manila, at iba pang mga lugar, dahil sa paglobo ng transaksiyon.

“This behavioral shift is easily accommodated because the policies, systems, and procedures were already set in place by the BSP and our supervised institutions in the past year,”aniya.

Kabilang sa mga tinukoy ni Diokno ang national retail payment system (NRPS), e-money framework, information technology risk management, at consumer protection framework.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

“We are confident that consumers, having experienced the convenience, speed, transparency of e-payments will continue to use these services,” dagdag pa nito.

Dalawa namang real-time electronic payment systems ang itinatag sa ilalim ng NRPS program ng BSP – ang InstaPay at PESONet.

Sa ilalim ng InstaPay, maaaring mag-transfer ang konsumer ng hanggang P50,000 kada transaksiyon sa bawat araw habang ang PESONet naman ay isang proseso ng credit payment para sa business-to-business at people-to-business transactions, tulad ng pagpapapasa ng suweldo sa account ng mga empleyado.

Una nang nabanggit ng BSP na umabot sa 8.86 milyon nitong Abril ang naitalang transaksiyon sa pamamagitan ng InstaPay, tumaas ng halos 509,151 porsiyento kumpara sa 1,740 nang ilunsad ito noong Abril 2018.

Nakapagtala naman ang PESONet 1.08 milyong transaksiyon noong Abril mula sa halos 330,000 nang mag-umpisa ito noong Nobyembre 2017.

Hangad ng BSP na maitaas ang “share of digital payments” sa 50 porsiyento sa 2023.

Pagbabahagi pa ni Diokno, nakilala sa gitna ng pandemic ang kahalagahan ng digital financial services, na nangangahulugan ng pagtaas ng digital literacy ng mga Pilipino.

“As the BSP intensifies (the) implementation of digitalization and financial inclusion policies, we are confident that the surge in e-payment transactions will continue,”dagdag pa niya.

-PNA