“MAHIGPIT na tinututulan ng Chinese Embassy ang anumang iresponsableng pananalita base sa fake news at kinokondena ang anumang walang batayang alegasyon laban sa China dahil lang sa lihim na pampulitikang motibo. Mga ilegal at kasong kriminal na sangkot ang mga Tsino ay mga bukod na insidente na hindi kumakatawan sa kabuuan ng relasyon ng China at Pilipinas. Ang relasyong China-Pilipinas ay maganda nang umunlad na nagsisilbi sa kapakanan ng kanilang mamamayan. Ang China ay nagkukusang makipagtulungan sa Pilipinas upang isulong ang komprehensibong stratehiya ng kooperasyon sa bagong antas,” wika ni Chinese Embassy Spokesman Liu Yiqun sa isang pahayag. Kasi, nitong Martes, sinabi ni Sen. Risa Hontiveros sa Inquirer na ikinalungkot niya na hindi sumagot ang embahada sa kanyang liham na humihingi ng tulong sa mga Tsino na nasagip ng mga awtoridad natin mula sa mga grupong nagbubugaw para lang sa mga Intsik na nagtatrabaho sa Philippine offshores gaming operation (POGO).
Matapang nang magsalita ang spokesman ng Chinese Embassy. Hindi maganda ang dating sa kanya ng mga reklamo ng ating mga Senador hinggil sa ginagawa ng mga Intsik sa ating bansa. Fake news, aniya, ang pinagbabatayan nila at may nakatagong hindi magandang motibo. Ang inrereklamo ng ating mga Senador ay mga pangyayaring mangilan-ngilan lang na hindi siyang kabuunan ng relasyon ng PIlipinas at China. Ipagpalagay natin na tama ang pananaw ng Chinese Embassy Spokesman, ang problema ay nakakabahala ang mga ito. Sa mga pagdinig na naganap sa Senado, lumabas na libu-libong mga Intsik ang nakapasok sa bansa pagkatapos nilang suhulan ang mga sindikatong sangkot ang mga Intsik at Pilipino. Iyong mga grupong nagbebenta ng pansamantalang aliw ay bumibiktima ng mga babaeng Intsik na ibinubugaw sa mga nagtatrabaho sa POGO. Ayon kay Sen. Richard Gordon milyung-milyong yuan (pera ng Intsik) ang ilegal na ipinapasok sa bansa at ginagamit na puhunan sa umano ay mga negosyo.
Sa pagdinig na nangyari noong Huwebes, sinabi ni Executive Director Mel Racela ng Anti-Money Laundering Council sa Senate Blue Ribbon Committee ni Sen. Richard Gordon na ang mga transaksyon ng POGO ay umabot sa halagang P54 billion mula 2017 hanggang 2019. Sa nasabing halaga, P14 billion ang nakaugnay sa mga kahinahinalang gawain kabilang na rito ang drug trafficking. Pero, tiniyak niya na P138 million sa mga POGO transactions ay nakaugnay sa negosyo ng droga. Ayon naman kay Pulis Lt. Gen. Guillermo Eleazar, chief directorate ng Philippine National Police, mula nang kumalat ang POGO sa bansa, noong 2017, 17 casino-related kidnapping, 16 noong 2018 at 38 noong 2019 ang mga naganap. Ang 80 biktima ay mga Tsino. Mayroon ding 7 kasong homicide noong 2019.
Marahil, kailangang ipadama sa Spokesman ng Chinese Embassy na hindi komo idinikit na ni Pangulong Duterte ang Pilipinas sa China, magagawa niyang magsalita sa mga Pilipino istilong Duterte. Mga nakadokumentong ebidensiya ang mga lumalabas ngayon, maliban sa iba pang mga nangyari, ay hindi makakategoryang fake news para magreklamo ang mga Pilipino. Dahil walang death penalty sa Pilipinas, dito ginagawa ng mga Intsik ang kanilang krimen. Ang mga POGO ay ginagawa nilang sentro ng kanilang operasyon na may bendisyon ang mga opisyal ng gobyerno, partikular ang mga nasa PAGCOR, dahil kumikita, anila, ang bansa. Kaya, nasabi ni Sen. Drilon sa kanila ang ganito: “Hayaan ninyong ipamukha ko ito sa inyo. Dahil sa P8 billion nakokolekta ninyo sa POGO, sinasabi ninyong manatili sa atin ang mga ito? Stupido ang salitang ito, hanggang may perang pumapasok sa atin ay pahihintulutan nang mangyari
-Ric Valmonte