Sa harap ng masasalimuot at kontrobersyal na mga isyu na inihahagis sa ABS-CBN, nais kong muling itanong: Kailangan bang madamay ang ating mga kapatid sa pamamahayag? Totoo na sila, bukod sa libu-libong kawani ng naturang network, ay binabagabag ngayon ng matinding alalahanin kaugnay ng napipintong pagtatapos ng kanilang prangkisa sa Marso 30 ng taong ito.
Sa pagtalakay sa kinukuwestiyong legislative franchise ng ABS-CBN, hindi ko tatangkaing salangin ang maseselan at kontrobersyal na usapin na kinakaharap ng nabanggit na himpilan ng radyo at telebisyon. Kabilang ang sistema ng kanilang pagnenegosyo na tila nagiging tampok sa itinuturing na labanang legal ng dantaon. Hindi ko tatangkaing makisawsaw sa walang kapararakang patutsadahan ng ilang sektor ng sambayanan, kabilang na ang ilang kapatid natin sa media. Bagkus, nais kong bigyang-diin ang kahalagahan ng misyon na dapat nating gampanan sa lipunan.
Nakapanlulumong mabatid na mismong ang ating mga kapatid sa propesyon ay paminsan-minsan nagiging tampulan ng hindi kanais-nais na mga pasaring sa kabila ng katotohanan na sila ay tumutupad lamang ng makabuluhang tungkulin bilang mga miyembro ng tinatawag na Fourth Estate. Kaakibat ng kanilang misyon -- hindi lamang bilang mga reporter o komentarista -- ang mangalap ng makatuturang mga impormasyon at magpahayag ng makahulugang mga paninindigan na dapat mabasa at marinig ng ating mga kababayan.
Sila, ang ating mga media brothers and sisters, ang tagapaghatid ng mahahalagang impormasyon tungkol sa sistema ng pamamahala ng gobyerno at maging ng mga pribadong sektor. Sa pamamagitan ng maingat na pananaliksik, natutuklasan at nailalantad nila ang katotohanan, lalo na sa mga transaksiyon ng iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan.
Karapatan nila na ilantad ang natutuklasan nilang mga kontrobersyal na isyu -- kabilang na ang maayos na mga transaksiyon -- na hindi dapat ilingid sa sambayanan. Ang mga ito ay magagawa nila, lalo na ngayon na umiiral na ang Freedom of Information (FOI) sa pamahalaan.
Ang gayong misyon, at marami pang iba, ang marapat paigtingin ng ating mga kapatid sa media -- kabilang na hindi lamang ang ABS-CBN group kundi maging ang lahat ng print at broadcast outfit -- ang pagtupad ng ating misyon sa ngalan ng kalayaan sa pamamahayag.
-Celo Lagmay