NANG ipatawag ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) sa Camp Crame ang 357 pulis na sinasabing kasangkot sa illegal drugs, minsan pang nalantad ang katotohanan na ang naturang ahensiya ay pinamumugaran pa ng ilang tiwaling alagad ng batas; na sila ay hindi nagpapahalaga sa tatlong makabuluhang salita na nakalimbag sa tsapa o patch na nakakabit sa kanilang mga uniporme: Service, Honor, Justice.
Ang nabanggit na mga tauhan ng PNP na kinabibilangan ng isang Brigadier General na sinasabing kabilang sa watchlist ni Pangulong Duterte ay ipinatawag sa Camp Crame upang isailalim sa ‘intense verification’. Ibig sabihin, tulad ng pagbibigay-diin ni Gen. Archie Gamboa, PNP Director General, ang naturang mga pulis ay isasailalim sa puspusang pagtatanong upang sila ay mabigyan ng pagkakataong linisin ang kanilang mga pangalan.
Nasa wastong direksiyon ang gayong pamamaraan sapagkat naniniwala ako na ang ilan sa kanila -- at iba pang pinaghihinalaang may kinalaman sa illegal drugs -- ay walang bahid ng katiwalian sa kanilang panunungkulan bilang tagapagtalaga ng katahimikan ng ating mga kababayan. Nangangahulugan lamang na higit na nakararami ang ating mga alagad ng batas na laging nakayakap sa pinanumpaan nilang mga tungkulin.
Subalit hindi ito nangangahulugan na ang pamunuan ng PNP ay magbibingi-bingihan at magbubulag-bulagan sa kamalian at pagpapabaya sa misyon ng mga pulis. Manapa pa, lalong dapat paigtingin ang pagkilatis sa tinatawag na mga ‘men in uniform’, kabilang na ang mga sundalo at iba pang may kaugnayan sa mga gawaing pang-seguridad.
Ang paglilitis sa tinaguriang mga ninja cops, halimbawa, ay hindi dapat palampasin. Kabilang na rito ang mga nasa Duterte drug list na napag-alaman kong nasa pag-iingat na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na hindi malayong namamayagpag pa hanggang ngayon sa paggamit at pagbebenta ng mga bawal na droga.
Maaaring hindi masyadong pansinin, subalit marapat ding manmanan ang ilan sa ating mga pulis -- at mismong mga opisyal -- na naglalaro ng golf kahit na sa oras ng trabaho.
Isama na rin dito ang ilang alagad ng batas na tahasang lumalabag sa hindi pagsusuot ng helmet habang nagmamaneho ng motorsiklo, kasangkot sa pangongotong at kasangkot sa iba’t ibang sugal.
Anupa’t walang dapat paligtasin ang pamunuan ng PNP sa paglipol ng mga salot na nagiging balakid sa paglikha ng matinong pulisya o police force.
-Celo Lagmay