“Ganito ba ninyo tratuhin ang magsasaka?”
Isang netizen ang naglabas ng kaniyang hinaing matapos ang naging pagtrato umano sa kaniya ng empleyado ng isang gasolinahan at hindi pagpayag ng mga itong maglaman ng gasolina sa dala niyang container para sana matubigan ang kanilang taniman.
Ayon sa naging Facebook post ng netizen na si Chad Genesis Panoy noong Marso 10, 2026, ikinuwento niyang maayos raw silang nakiusap at pinaintindi sa mga empleyado ng hindi niya pinangalanang gasolinahan para makakuha ng isang container na gatong dahil kailangan daw nilang mapatubigan ang kanilang taniman at sakahan.
“Nakiusap kami [nang] maayos, at [paulit-ulit]kong pina-intindi. Kahit isang container lang dahil kailangan mapatubigan ang taniman, kailangang ma tractor ang lupa,” pagsisimula niya.
Ani Panoy, hindi raw siya pinagbigyan ng mga empleyado at iminungkahing kausapin na lang daw niya ang manager nila.
“Hindi daw pwede dahil [‘yun] ang order sa kanila (bawal magkarga sa mga container) kausapin ko nalang daw [‘yong] manager,” aniya.
Dagdag niya, “[O]kay po saan ko pwede makausap sabi ko. ‘Umuwi na po eh’ sabi nila.”
Pagpapatuloy ni Panoy, tila raw hindi pa mas naging maayos ang sitwasyon nila sa gasolinahan nang sagutin daw siya nang pabalagbag ng kahero at sinabing dalhin niya ang kanilang tractor na ginagamit sa pagsasaka.
“Okay na sana, kaso [‘yong] sasagutin ako ng pabalagbag ng (kahero daw) dahil sinabi kong paano po pala yan idadala namin dito [‘yong] motor ng patubig, kuliglig at tractor? ‘Edi idala mo’ AND SO I DID,” pagbabahagi niya.
Anang uploader, bumalik daw siya sa gasolinahan habang dala ang kanilang tractor ngunit sinabi umano ng mga empleyado na ubos na ang diesel nila.
“Less than an hour ang travel simula [baryo] papunta sa kanila kung tractor o kuliglig and idadala isama mo na ang pagbaklas sa mga patubig. Pagbalik namin wala na daw diesel,” ‘ika niya.
Ayon pa kay Panoy, tila raw pinagtawanan siya ng ibang mga empleyado dahil sa literal na pagdadala niya ng tractor.
“At tumatawa-tawa pa ang ibang staff Sabay bulong na ‘dinala nga nila,’” kuwento niya.
Pakikisimpatya ni Panoy, isipin daw sana ng publiko na karamihan sa mga magsasaka ay walang mga kotse o four wheels na sasakyang mapag-iihian ng gatong para sa kanilang tractor na mahirap na literal na dalhin sa gasoline station.
“Imagine karamihan sa farmers walang [four] wheels na diesel engine na pwedeng pa-ihian para maisalin sa ibang gamit pang bukid. At ganun pa ang sasabihin ng staff nila? Idadala ang mga makinarya pambukid sa gasoline station?” diin niya.
“Konting pag intindi, at maayos na pakikipag usap para sa ating mahal na magsasaka!” pagtatapos niya.
Samantala, habang sinusulat ito, kasalukuyan nang may 68K reactions at 19K share ang naturang Facebook post ni Panoy.