Nakamit ng Adamson University High School ang mahalagang panalo matapos pataubin ang Ateneo de Manila High School, 79-76, kahapon sa UAAP Season 82 Juniors Basketball Tournament sa Filoil Flying V Center sa San Juan.
Nagsilbing bayani para sa Baby Falcons si Jeremy Guarino matapos ibuslo ang winning basket na ganap na nagsulong sa kanila sa susunod na round.
Isang triple ang ipinukol ni Guarino na bumasag sa pagkakatabla ng iskor sa 76-all upang isalba ang Baby Falcons sa final stretch makaraan silang habulin ng Blue Eaglets.
May tsansa pa sanang maagaw ng Ateneo ang tagumpay, ngunit kinapos ang 3-point attempt ni Lebron Lopez.
Tumapos si Guarino na may 18 puntos, 5 rebounds, 4 assists at 2 steals kasunod ni Jake Figueroa na nagposte ng 26 puntos, 21 rebounds, 2 steals at 2 blocks.
Dahil dito, kumpleto na ang mga koponang pasok sa susunod na round.
Ganap na ring pinagsarhan ng Baby Falcons ng pinto ang University of Santo Tomas na umaasa pa namang matalo sila upang makahirit ng playoff para sa huling semifinals slot.
Kapwa tumapos na may markang 8-6, panalo-talo ang Baby Falcons at ang Blue Eaglets ngunit ang huli ang kumopo ng ikatlong puwesto dahil sa mas mataas na quotient nito.
Tinalo ng UST Tiger Cubs ang De La Salle Zobel, 94-87 sa ikalawang laro na nag-angat sa kanila sa patas na markang 7-7, ngunit wala na ring saysay dahil nagwagi na ang Adamson.
Tumapos naman ang Junior Archers na may markang 3-11.
-Marivic Awitan