MAHIGIT 4.8 milyong maralitang pamilya ang nakinabang sa conditional cash transfer (CCT) program ng pamahalaan, inilahad ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rolando Bautista.

Sinabi niya na ang Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ay sinakop ang mahigit 4.8 milyong pamilya sa 17 rehiyon sa 80 probinsiya.

“For 4Ps, from the initial 300,000 household beneficiaries in 2008, today, more than 4.8 million poor households have been served, as of end of 2019 in 17 regions and 80 provinces making it among the largest targeted social safety net programs in the world and the fourth largest conditional cash transfer program,” ani Bautista sa kanyang opening remarks sa pagtatapos ng 69th founding anniversary celebration ng DSWD sa Quezon City nitong Miyerkules ng gabi.

Sinabi niya na sa tala nitong Setyembre 30, 2019, mahigit 4.1 milyong active households ang nakatala sa programa, na sinusubaybayan ang mahigit 8.2 milyon school-aged children at 48,644 na batang nasa edad 0 hanggang 2-anyos.

Ayon sa kanya, ang CCT ay “active” sa 145 lungsod, at sa mahigit 1,400 munisipalidad.

Binanggit ni Bautista na ang 4Ps ay isa sa social protection programs ng DSWD na malaki ang naiambag sa pagbawas ng antas ng kahirapan mula 23.3 porsiyento noong 2015 sa 16.6% noong 2018.

Sinipi si National Economic and Development Authority (NEDA) Undersecretary at officer-in-charge Adoration M. Navarro, sinabi niya na 5.9 milyong Pilipino ang naiahon sa kahirapan at tinatarget ng gobyerno na maibaba ang poverty rate sa 14% pagsapit ng 2022, na pakikinabangan ng anim na milyong Pilipino.

Nauna nang binanggit ng NEDA na ang social protection programs ng DSWD ay nakatulong sa pagbawas sa poverty incidence sa pamamagitan ng pagkakaloob ng karagdagang kita sa pinakamahihirap sa lipunan.

“This is proof that the different programs implemented by the DSWD especially the Pantawid Pamilyang Pilipino Program also known as conditional cash program directly benefitted the poorest sector of our society,” ani Bautista.

Bukod sa 4Ps, ang iba pang pro-poor programs ng DSWD ay kinabibilangan ng Social Pension for Indigent Senior Citizens (SPISC), Supplemental Feeding Program (SFP), Kapit-Bisig Laban sa Kahirapan- Comprehensive, Integrated Delivery of Social Services (KALAHI-CIDSS), at Sustainable Livelihood Program (SLP).

Sinabi ni Bautista na nitong 2019, halos 4 na milyong senior citizens ang nakinabang sa SPISC.

Sinabi niya na mahigit 845,000 bata o 45% ng mahigit 1.8 milyon bata ang napagsilbihan ng SFP, sa tala nitong Setyembre 2019.

Inihayag din niya na sa tala nitong Mayo 2019, 15 probinsiya, mahigit 800 munisipalidad at mahigit 19,600 barangay ang sakop ng mahigit 26,000 proyekto sa ilalim ng KALAHI-CIDSS, na kinabibilangan ng farm-to-market roads, flood control infrastructure, at school buildings.

Aniya sa ilalim ng SLP, 55,000 pamilya ang naayudahan.

Sinamantala rin ni Bautista ang pagkakataon para pasalamatan ang kanilang development partners, kabilang na ang World Bank at Asian Development Bank para sa kanilang walang patid na suporta sa national community-driven development programs ng gobyerno.

Nitong nakaraang Nobyembre, nagkaloob ang World Bank ng US$ 300 milyon loan para magbigay ng karagdagang pondo sa 4Ps.

-CHARISSA M. LUCI-ATIENZA