PUSPUSAN na ensayo ng pambato ng Pilipinas, kabilang si Ernie Gawilan para sa nalalapit na 10th ASEAN Para Games sa Marso sa New Clark Stadium at Subic.
Si Gawilan ang kauna-unahang Para athlete ng bansa na nag-uwi ng gintong medalya buhat sa Asian Para Games at sumabak sa 2016 Summer Paralympics.
Ikinuwento ng 28-anyos na Para swimmer sa Balita na puspusan na nga ang ginagawang pag-eensayo ng koponan para sa kampanya ng bansa sa nasabing kompetisyon na siyang iho-host din ng Pilipinas.
Sinabi ni Gawilan na dating gawi ng training ang kanilang isinasagawa sa kasalukuyan bagama’t ang karamihan dito ay gym training.
“Ginagawa pa rin po namin ‘yung kung ano po ‘yung preparation po namin dati, kahit na less po ‘yung training namin sa swimming pool. But eventually po, doon na po kami mismo sa New Clark City Aquatic Center mag-eensayo,” pahayag ni Gawilan.
Bagama’t ayaw sabihin ni Gawilan kung gaano karaming medalya ang kaya na mahakot ng bansa para sa nasabing biennial meet, inamin naman niya na malaki ang kanyang tsanaa sa kanyang mga events na sasalihan.
“Mahirap po kasi mag-predict eh. Pero malaki naman po ang chance,” ayon kay Gawilan na sasabak sa tatlong individaul events at dalawang relay.
Ayon pa kay Gawilan, mahirap din ang magkumpiyansa gayung malalakas ang mga koponan ng bansang Singapore at Indonesia, lalo na sa kanyang category na lalahokan.
Gayunman, naniniwala si Gawilan na ang suporta ng mga kababayan ang magsisilbing insipirasyon niya upang pagbutihin ang kanyang performance sa nasabing kompetisyon.
Nanawagan din si Gawilan na maiparating sa ibang mamamayan na may sports na nagsisilbing sandalan ang tulad niyang mga PWD o Persons With Disability.
“Sana po huwag po kayong magsasawang sumuporta sa Para athletes at sana po ipaabot po natin sa mga barangay at sa lansangan na mayroon pong sports para sa mga PWDs para magkaroon po ng pag-asa ‘yung mga katulad ko na nasa bahay lang po,” pahayag ni Gawilan.
Ipinaabot din ni Gawilan ang kanyang pasasalamat sa suportang ipinagkakaloob ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kailang mga Para athletes.
-Annie Abad