RATSADA!
KAAGAD na umariba sa unang sikaran ang Shanghai Grey at nilingon na lamang ni jockey Kelvin Abobo ang mga karibal tungo sa dominanteng panalo sa 2019 Philippine Racing Commission Chairman's Cup nitong Linggo sa Saddle and Clubs Leisure Park sa Naic, Cavite.
Walang nakuhang hamon mula sa mga karibal ang Shanghai Grey ni Melanie Habla at tinapos ang 2,000-meter race sa impresibong four-length win sa bilis na 2:05 tampok ang quartertimes na 24, 23, 24, 24 at 26 segundo.
“Kailangan lang namin i-conserve ang energy niya (Shanghai Gray), buti na lang hanggang ultimo kuarto may lakas pa,” pahayag ni Abobo, patungkol sa alagang three-year-old filly.
Napagwagihan ng may-ari na si habla ang P1.2 milyon champion prize mula sa kabuuang P2 milyon premyo na inilaan ng Philracom.
Sumegunda ang Real Gold, sakay si JP A. Guce at alaga ng C&H Enterprise para sa premyong P450,000.
Bumuntot ang Accountant (jockey RO Niu Jr., owner Luis Aguila) at Weather Lang (JL Paano, Habla) para sa premyong P250,000 at P100,000, ayon sa pagkakasunod. Ang Chairman's Cup ay taunang isinasagawa bilang pagkilala sa mga dating Philracom chiefs. Ngayong taon, ang honoree ay si dating Makati Mayor Nemesio I. Yabut, namuno sa organisasyon mula 1978 hanggang 1986.
Pinangunahan nina Philracom officials, Chairman Andrew A. Sanchez, commissioners Reli de Leon, Dante Lantin at Lyndon Guce, kasama sina Philippine Racing Club officials, sa pangunguna ni Donnie Selda, ang pamamahagi ng tropeo at cash prizes sa mga nagwagi.
Samantala, ginulantang ng dehadong Joyous Solution ang mga karibal sa 3YO Imported/Local Challenge Series cast sa impresibong bilis sa huling 150 meters tungo sa three-length win.
Nanguna ang Will To Win, ang stablemate ng Joyous Solution, sa halos kabuuan ng 2,000-meter race bago nauwi sa three-horse battle, kasama ang liyamadong Magtotobetsky. Mula sa likuran, humarurot ang Joyous Solution para masilat ang mga karibal. Nakamit ng may-aring si Allan Keith Castro ang premyong P900,000 mula sa kabuuang premyo na P1.5 milyon.
“Diniskartehan ko lang, medyo matulin ang mga kalaban. At kakampi ko naman 'yung isa doon (Will To Win), so inagapayan ko muna siya. Pinakiramdaman ko lang 'yung mga sumusunod, si Magtotobetsky. Nakita ko na kaya ko na, so dinahandahan ko, nagrekta na lang ako, sinigurado ko na mananalo,” pahayag ni Guce.
Nakamit ng Magtotobetsky na alaga ni multi-titled owner Leonardo Javier Jr. at jockey AM Villegas ang ikalawang puwesto na may premyong P337,500.
Bumuntot ang Will To Win (jockey MA Alvarez, owner Wally Manalo) at Queensboro (RO Niu Jr., Feliciano Tolosa) para sa premyong P187,500 at P75,000, ayon sa pagkakasunod.
Ang iba pang nagwagi sa Chairman's Cup Racing Weekend ay ang Viva Morena (Race 1), Celebrity (Race 2), Union Run (Race 4), Heaven Strikes (Race 6), June Three (Race 7), Iniki Runner (Race 8), Another Stunner (Race 9), Melliflous (Race 10), Dragon Butterfly (Race 11) at Batang Bangkal (Race 12).