NAPANATILI ni Carl Jammes Martin ang katayuan bilang ‘Philippine boxing future’ sa isa na namang dominanteng panalo kontra Philip Luis Cuerdo nitong Sabado sa ‘Knockout’ mula sa promosyon ng Highland International Boxing Promotion sa Manila Arena sa Sta. Ana, Manila.
Tinuldugan ng pamosong fighter mula sa Lagawe, Ifugao ang kampanya sa 2019 sa eksplosibong knockout win sa ikatlong round para mahila ang karta sa 15-0 at mapanatili ang Philippine Boxing Federation (PBF) bantamweight title sa promosyon na sanctioned ng Games ans Amusement Board (GAB) sa pamumuno ni Chairman Abraham ‘Baham’ Mitra.
Tulad nang mga nakalipas na laban, madaling nahuli ni Martin ang istilo ng karibal para kaagad na makaiskor sa kombinasyon. Sa ikatlong round, binilangan ng referee ng ‘eight-count’ si Cuerdo, ngunit nagawa nitong makabawi ng bahagya.
Sa pagpapatuloy ng laban, pinaliguan ni Martin ng kombinasyon sa mukha at katawan ang karibal, ngunit hindi kaagad naawat ng referee ang laban, dahilan upang umakyat sa lona ang coach ni Cuerdo na si Jonathan Penalosa para mapigilan ang higit pang pinsala sa boxer.
Sa iba pang laban, nakamit ni Carlo “The Ferocious” Magali ng Bohol ang bakanteng Asian Boxing Federation super featherweight title at bakanteng Philippine super featherweight via split decision kontra Al “Rock” Toyogon ng Gingoog City.
Nakuha ng 33-anyos na si Magali ang iskor ng hurado na 115-112 ( judges Gil Co at Oliver Garcia) at 116-111 mula kay judge Robert Bridges.
Sa dalawa pang championships, nannaig sina Li Liu ng China at Asad Asif Khan ng India.
Nagapi ng 29-anyos na si Liu si Suphansa Phooong ng Thailand via first round KO para sa bakanteng World Boxing Association Asia Female lightweight title, habang ang 26-anyos na si Khan ay nanaig via majority decision kontra Aiman Abu bakar ng Malaysia para sa bakanteng International Boxing Organization Oceania Oceania-Orient featherweight title.