MAGAAN na pinabagsak ng Paranaque ang Caloocan, 87-55, para makopo ang solong pangunguna sa Community Basketball Association–Pilipinas Executive Cup kamakailan sa San Dionisio gymnasium sa Paranaque City.
Hataw si Angel Razon sa naiskor na 23 puntos mula sa 8-of-14 shooting para pangunahan ang Hi-Flyers ni Dist. 1 Councilor Marvin Santos sa ika-apat na sunod na panalo.
Nag-ambag si Alfonso Rodriguez ng 14 puntos at siyam na rebounds, habang si Jayboy Solis ang nakapagtala ng 10 puntos, anim na rebounds at pitong assists para sa Paranaque.
Maagang nakaigpaw ang Hi-Flyers at nagawang makalamang sa pinakamalaking 33 puntos tungo sa dominantent panalo sa nangungunang grassroots sports development league na itinatag ni actor-director Carlo Maceda.
Nanguna sa Caloocan si Zach Huang na may 27 puntos at 11 rebounds, habang tumipa si Jonathan Gesalem ng 12 puntos at 11 rebounds,
Sa Naiagara gym, pinataob ng Rizal ang Manila, 73-55, sa 18-under category.
Nanguna sina Jan Clement Macalag, Jiam Quiambao at Dominic Panlilio para sa matikas na ratsada sa second quarter ng Rizal.
Tumapos si Macalag na may 17 puntos, pitong rebounds at limang assists, habang kumana sina Quiambao at Panlilio ng 14 at 13 puntos, ayon sa pagkakasunod.
Kumasa si Milo Janao para sa Manila sa naiskor na 14 markers.
Sa iba pang laro, nanaig ang Valenzuela sa Caloocan, 76-68, sa 18-under division.
Nanguna si Bryan Boliver na may 17 puntos at 12 rebounds para sa Valenzuela.