NAMAN, “Charter Change” ulit! Hindi na ba nagsasawa ang mga kongresista natin sa walang patid na pag-eksperimento sa ating Saligang Batas.
Ewan ko at anong klaseng “bottled water” ang iniinum sa Mababang Kapulungan, at bakit pilit nila dinidistronka ang katatagan ng ating republika sa mga panggisa, na lalansi sa sambayanan. Andyan ang panukala na payagan ang mga dayuhang korporasyon na magmay-ari ng mga pampubliko at agrikultural na lupa, sa eskema na 60% Pilipino ang bahagi sa kumpanya. Epekto nito ang pag-akyat sa halaga ng mga lote, na lalong hindi na maaabot ng pangkaraniwang tao. Sa kasalukuyan, marami sa kababayan natin walang sariling lupain at bahay dahil taon-taon umaakyat sa merkado ang mga nabanggit. Ibig pa yata ng mga mokong na maging dayuhan tayo sa sariling bansa, at mamayagpag ang mga banyaga na siyang maghari sa ating teritoryo. Kahit pa sabihin, hindi nila maiuuwi ang ating lupang-sinilangan sa kanilang bansa, aba’y halatang ginagapang na nila ang ating bayan, lalo’t nasa tatlong milyon nang Intsik mula sa China ang kasalukuyang nakapasok sa Pilipinas.
Ang kunwaring 60% Pilipino ang dapat may-ari, hindi pa rin masusunod dahil ngayon pa lang, marami ng mga Pinoy na negosyante, payag maging mistulang frente ng estrangherong pamumuhunan. Pera, tubo, pagka-kikitaan lang ang panginoon ng mga walang konsensiyang negosyante, para makalusot sa pagbabawal ng Konstitusyon – na dapat Pinoy magmay-ari ng ating lupain at ilang maseselang sektor ng ating lipunan. May panukala rin na bawasan ang rehiyon sa siyam na lang. Ang Central Visayas nawala! May planong gawing “regional” ang mga senadores. Ibig sabihin, madagdagan ang 24 na bilang, at gawing 27? Dagdag gastos ito at pasanin kay Juan de la Cruz ulit. Ang antas ng pagka-senador, ibinaba na parang “glorified congressman” na lang. Habang ang termino ng mga kongresman at lokal na opisyales ginawang 5 taon. Bakit limang taon? Kung maiksi ang 3 taon, eh di ibalik sa dating nakagawian at katanggap-tanggap na 4 na taon. Halata naman masyado kayo!
-Erik Espina