MANATILING nakaagapay sa mga lider ang tatangkain ng San Miguel Beer sa pagsagupa laban sa Rain or Shine sa pagpapatuloy ng 2019 PBA Governors Cup sa out-of-town game.

Nakatakda ang laro ganap na 5:00 ng hapon sa Hoopsdome sa Lapu-Lapu City, Cebu.

Tatangkain ng Beermen na dugtungan ang naitalang 99-96 panalo kontra Blackwater nitong Miyerkules na nagluklok sa kanila sa ikatlong puwesto taglay ang barahang 6-3, kasunod ng Meralco (6-2) na may laro kahapon habang sinusulat ang balitang ito.

Ang nasabing panalo ng Beermen ay nakamit kahit hindi naglaro ang import nilang si Dez Wells na ngayo’y inilagay nila sa injured list dahil sa iniinda nitong ankle injury at pinalitan nila ni John Holland na ipaparada nila ngayong hapon kontra Elasto Painters.

6 koponan nagbabalak ligwakin ang PVL; lilipat daw sa bagong liga?

Ang 31-anyos na si Holland ay produkto ng Boston University ay nakapaglaro sa NBA sa koponan ng Boston Celtics at Cleveland Cavaliers.

Manggagaling ang 6-foot-5 forward sa stint nito sa Puerto Rico sa koponan ng Santeros de Aguada na tinulungan nyang makamit ang una nilang Baloncesto Superior Nacional championship.

Sa kabilang dako, magkukumahog namang makabangon ang Rain or Shine mula sa natamong dalawang dikit na kabiguan, pinakahuli noong Oktubre 30 sa kamay ng NLEX, 91-111 upang umangat buhat sa kinalalagyang ika-8 posisyon taglay ang markang 2-7 kasalo ng Phoenix.

-Marivic Awitan

Laro Ngayon

(Hoopsdome - Lapu-Lapu Cebu)

5:00 n..h. -- San Miguel vs Rain or Shine