Bagoong alamang na puwedeng papakin ng mga may “high blood” – Weh, ‘di nga?

Ngunit ito ang isa sa naging bonus na paksa – ‘di kasali sa topic na outbreak ng iba’t ibang sakit gaya ng polio, deadline nang paglilinis sa mga bangketa at ninja cops -- na tinalakay ng isang internist doctor sa huling bahagi ng isang lingguhang news forum sa Sampaloc, Maynila.

SA mga news forum kasi na ginaganap sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila, kadalasan kong nakukuha ang mga artikulo kong isinusulat, direct from the horse’s mouth, ika nga, lalo pa’t ito ay tumatalakay sa paksa na mainit-init pa na pinag-uusapan at pinagtatalunan ng mga mamamayan.

May mga pagkakataon din na sa patapos na bahagi ng news forum, ay may bonus na kapaki-pakinabang na impormasyon kaming natututuhan mula sa mga bisita bago sila magbigay ng kani-kanyang pahimakas – ito yung hinggil naman sa “lighter-side” ng kanilang pagiging ordinaryong mamamayan, ang kanilang libangan o munting negosyo na pinagkakakitaan.

Ganito ang naging takbo ng nakaraang talakayan sa Balitaan sa Maynila na lingguhang ginagawa sa Bean Belt Coffee sa may Dapitan Street, na ang naging mga resource speaker ay sina Major General Guillermo Eleazar, NCRPO Chief; Usec Martin Diño ng Department of Interior and Local Government (DILG) at Doctor Peter Gator na isang bihasa sa “internist medicine”.

Tinalakay ni MGen Eleazar ang grupo ng tiwaling miyembro ng Philippine National Police (PNP) na binansagan na “ninja cops”, na mula sa simpleng lagayan na kinasasangkutan ng pulis, ay naging “recycler” ng mga nakukumpiskang illegal na droga at naging mga tauhan ng mga notorious na drug lord sa buong bansa.

Pakiusap ni MGen Eleazar sa mga mamamayan: “Tulungan ninyo kaming mga awtoridad na ma-locate ang mga natitira at nagtatago pang mga sinasabing ninja cops na salot sa ating lipunan!”

Si DILG Usec. Martin Diño naman ay nagbabala sa mga local officials na ipapataw nila nang mahigpit ang batas sa mga hindi makasusunod sa pagpapatupad sa utos ni Pangulong Rodrigo R. Duterte, na linisin ang lahat ng kalsada at bangketa na pag-aari ng pamahalaan mula sa mga nakabara at nakaharang na establismento. Noong Linggo mismo ang deadline para gawin ito ng mga LGUs.

Tinalakay naman ni Doc Gator, medical internist at aktibong miyembro ng Maritime Doctors and Clinic Organization, kung paano makaiiwas at mada-diagnose ang polio at diphtheria at iba pang pangkaraniwang sakit na naglalabasan sa ganitong panahon.

Pinuna niya ang kapabayaan ng Department of Health (DoH) sa hindi patuluyang pagpapatupad sa Presidential Decree No. 996 na pinirmahan noong 1976 at inamiyendahan noong June 21, 2011 na tinawag na “Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011 – na nag-uutos na ang lahat ng batang may edad na limang taong gulang pababa, ay kailangan mabigyan ng tinatawag na “basic immunization against vaccine-preventable diseases”.

Sa pagtatapos ng talakayan ay pumasok ang bonus na topic at patikim ng imbensiyon ni Doc Gator na sinasabi niyang REFORMULATED “Bagoong Alamang” – na may trade name na ‘Doktor Peter Bagoong’ -- na hindi delikadong kainin ng mga taong palaging may mataas na blood pressure (BP).

Delicacy para sa mga Pinoy ang ginisang bagoong na gamit pampalasa sa iba’t ibang lutuin na ulam sa ating mga kusina gaya ng Kare-kare, Pakbet, at mga ginataang gulay.

Nakagawian din itong sawsawan ng mga hilaw at hinog na prutas na gaya ng manga, singkamas, duhat, santol, bayabas at ang bagong natutuhan ko – napakasarap nito sa pinya!

Ang problema mataas ang “salt content” nito kaya’t kasama sa mga ipinagbabawal na pagkain para sa mga na-diagnosed na “hypertensive”.

Halos lahat ng dumalo sa news forum ay natuwa sa imbensyon ni Doktor Peter, at isa sa kanila ay ang dati kong GF na si Aymi -- na kamakailan lang ay nakakunot ang noo at nagsasalubong ang kilay, dahil pinagbawalan ng kanyang doctor na itigil ang pagkain ng kanyang paboritong bagoong alamang!

Mag-text at tumawag saGlobe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected]

-Dave M. Veridiano, E.E.