HANDA na ang Skateboarding sa Pilipinas na muling magbigay ng karangalan para sa bansa ngayong nalalapit na pagtatanghal ng 30th Southeast Asian Games sa Nobyembre 30 hanggang Disyembre 11.
Sa katunayan, hindi lamang ang nalalapit na biennial meet ang pinaghahandaan ng tropa ng Skateboarding kundi pati na arin ang 2020 Olympics, lalo na si Margielyn Didal.
Nitong nakaraang weekend, sumabak si Didal sa isang qualifying ranking competition para sa 2020 Olympics, ang Street League Skateboarding Gloabal Qualifiers na ginanap sa Sao Paulo, Brazil.
Tanging si Didal ang kaiisa-isang Pinoy na nakapasok sa semifinal round, matapos na pumuwesto ng ikawalo sa qualifying round, ngunit tumapos lamang ng ika-15 sa semis at nabigong makapasok sa Finals.
Gayunman, ay hindi pa rin tapos ang kampanya ni Didal, gayung bukod sa paghahanda para sa nalalapit na 11-nation meet ay may mga qualifiers pa siya na sasalihan, hanggang sa susunod na taon.
Kasabay nito, siniguro naman ni Skateboarding and Roller Skate Association of the Philippines na si Monty Mendigoria kakayanin ng line-up ng nasabing sport na mabigyan ng isang magandang laban ang Pilipinas.
Isa sa magiging sandalan ng Skateboarding ay ang bagong saltang si Daniel Leadermann na isang Filipino-German na makakasama sina Christiana Means at Jericho Francisco pati na ni Didal upang ibandera ang pangalan ng Pilipinas para sa SEA Games.
Ayon kay Mendigoria, hindi pa niya maaring isiwalat ang kabuuan ng line-up upang hindi masilip ng ibang bansa na lalahok sa SEA Games, ngunit siniguro niya na isang malakas na koponan ang kanyang ibibigay para sa bansa.
“I don’t want to give any details for now kasi baka masilip tayo ng mga kalaban. But definitely, kumpleto na ang line-up natin,’’ ani Mendigoria.
``We have 11 athletes who will compete including Margie, of course. Kapag okay na ‘yung line-up ng ibang countries, we will disclose the line-up for our team,” aniya.
-Annie Abad